Balita

Mga kababaihang magsasaka, kinundena ang malawakang korapsyon at kawalan ng lupa

,

Nagsama-samang ang mga kababaihang magsasaka at iba’t ibang organisasyon, sa pangunguna ng Amihan National Federation of Peasant Women para magprotesta sa harap ng Department of Agriculture sa Quezon City noong Oktubre 15. Kinundena nila ang lumalalang korapsyon sa ilalim ng rehimeng US-Marcos at kawalan ng lupa ng mga maralitang magsasaka sa kanayunan. Pagkatapos ng maikling programa ay nagmartsa sila patungo sa Department of Agrarian Reform upang upang pagtuloy ang kanilang programa

Ang aktibidad ay bahagi ng paggunita sa Pandaigdigan Araw ng Kababaihang Magsasaka at aktibidad para ng kampuhang magsasaka. Tatakbo ang kampuhan mula Oktubre 15 hanggang 21.

Kabilang sa lumahok sa protesta ang mga magsasaka, mangingisda, manggagawang bukid at maralitang lungsod mula sa Laguna. Bulacan, Tarlac, Rizal at Cavite. Nakiisa rin ang mga organisasyon na Gabriela, Gabriela Women’s Party, Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), Asian Peoples’ Movement on Debt and Development (APMDD), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Anakpawis at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Ayon kay Cathy Estavillo, pangkalahatang kalihim ng Amihan, kinukundena nila ang sistematikong korapsyon ng rehimeng Marcos, katulad ng unprogrammed funds at presidential pork barrel nito. Dagdag niya, sa halip na mabigyan ng suporta ang mga pamilya ng magsasaka, napupunsa lamang sa korapsyon ang pondo ng mamamayan tulad ng mga proyektong substandard na ghost flood control, sobra sa presyo na farm-to-market road (FMR) at proyektong irigasyon.

Sa halip na resolbahin ang problema na idinudulot ng pagdagsa ng imported na bigas at napakababang presyo ng palay, trinansporma ni Marcos at ng Deparment of Agriculture ang mga FMR tungo sa “farm -to-subdibisyon at kalsada patungo sa mga mall” para sa pakinabangan ng malalaking negosyante, burukrata-kapitalista at ng mga pulitiko sa bansa. Ang malala, ang mga proyektong FMR, flood control at irigasyon na iniulat na tapos na ay hindi nakikita o napakinabangan ng mamamayan sa kanayunan.

Wala ring napananagot sa mga nangulimbat ng pondo pang-agrikultura, maging sa mga nagdaang rehimen kung saan tumampok ang mga kaso ng korapsyon tulad ng fertilzer scam at palabas na pamamahagi ng mga gamit sa pagsasaka at mga binhi.

Habang naggigiit ang kababaihang magsasaka ng kanilang karapatan sa lupa, nakakaranas sila ng panggigipit at pagpapalayas sa kanilang lupain. Nagiging biktima sila ng militarisasyon, red-tagging, iligal na pag-aresto at detensyon, ekstrahudisyal na pamamaslang at iba pang porma ng pang-aabuso. Tampok ang mga kaso ng Lupang Ramos sa Cavite, Hacienda Luisita at Tinang sa Tarlac, and mga sakahan sa Isabela, Cagayan, Bohol. Bulacan. Bicol at iba pang prubinsya, paliwanag ni Zen Soiano, pambansang tagapangulo ng Amihan.

“Patuloy na lalabanan at pananagutin ng kababaihang magsasaka ang rehimeng US-Marcos, ang “hari ng korapsyon” at numero uno na promotor ng pang-aagaw ng lupa at pagpapalit-gamit ng lupa, at pagsuko nito sa lupain at agrikultura ng Pilipinas sa mga dayuhang kumpanya,” pahayag ni Soriano.

Bilang bahagi ng mga aktibidad para sa isang linggong protesta, noong Oktubre 14 ay nagtayo ng kubol para sa kampuhan sa harap ng Department of Agrarian Reform Central Office sa Quezon City ang mga magsasaka, manggagawang bukid, mangingisda at iba’t ibang sektor. Kabilang sa delegado para sa aktibidad ang nasa 40 manggagawang bukid sa tubuhan mula sa Kabankalan, Cadiz, Murcia, Silay, Escalante, Pontevedra at Candoni sa Negros Occidental.

Noong Oktubre 16, naglunsad ng pagkilos ang mga magsasaka mula sa Negros at grupong Amihan, KMP at PAMALAKAYA sa harap ng Department of Agriculture upang bilang paggunita ng tinawag nilang World Hunger Day. Nananawagan ang mga grupo para sa tunay na reporma sa lupa, tamang kumpensasyon para sa mga nasalanta at suporta sa mga magsasaka, at makatarungang presyo ng palay.

AB: Mga kababaihang magsasaka, kinundena ang malawakang korapsyon at kawalan ng lupa