Mga kabataang kandidato sa eleksyong 2025, hinamon ng Kabataan Party-list
Sa pagbubukas ng kampanya ng mga kandidato sa lokal na pusisyon noong Marso 28, hinamon ng Kabataan Party-list ang mga kabataang kumakandidato para sa eleksyong 2025. Anang partido, dapat basagin ng mga kabataan ang pagsusunud-sunudran sa matatandang pulitiko, labanan ang paghulma sa kanila sa dating kaayusan sa pulitika at huwag magpakain sa sistema.
Ayon sa partido, ang listahan ng mga pangalan sa balota ay madalas dominado ng mga mas nakatatandang pulitiko na ilang ulit nang naluklok at matatanda rin nilang mga katunggali. “Madalas, kinakatawan nila ang mga dinastiya o mga patron sa pambansang [pusisyon],” ayon kay Atty. Renee Co, unang nominado ng Kabataan.
Dahil sa ganoong kalakaran, nawawalan umano ng espasyo para sa mga “bagong mukha,” maliban na lamang sa mga kabataang mula sa mga dinastiyang pampulitika na “magmamana” sa pusisyon. “Ngunit simula noong 2022, nakita natin ang dumaraming bilang ng mga nais sumubok mula sa hanay ng mga kabataan, laban sa tradisyunal na pulitika,” ayon kay Atty. Co.
Ngayong eleksyong 2025, ipinahayag niya na ninanais ng Kabataan Party-list na ipagpatuloy ang bwelo na ito sa pamamagitan ng pagsuporta sa kanilang mga myembro na mayroong maayos na rekord ng paglilingkod sa mamamayan. Ilan sa mga myembro ng partido ay tumatakbo bilang konsehal sa Las Piñas, Muntinlupa, Quezon City at iba pang mga lugar.
“Sa kanilang halimbawa ng pamumuno sa kampanya, na hindi nakatali sa naghaharing mga clan o partido, umaasa ang Kabataan Party-list na magbibigyang inspirasyon ang mga kabataang kandidato na labanan ang political grooming sa lokal na gubyerno na lumilikha ng mga trapo,” ayon pa kay Atty. Co.
Pagdidiin pa ng kinatawan ng Kabataan, “panahon na para turuan ng leksyon ng mga kabataan ang mga matanda na para sa pagkakamit ng tunay na panlipunang pagbabago.”
Itinuturing ng Kabataan Party-list na isa itong malaking hamon sa kanilang hanay laluna at hanggang sa Malacañang at pambansang mga pusisyon sa gubyerno ay laganap ang korupsyon at politika ng palakasan. “Malaking bigwas pa ring maituturing ang pagkakait sa sistemang ito ng bagong mga trapo,” ayon kay Atty. Co.