Balita

Mga kabataang organisador sa Cagayan Valley, isang buwan nang itinatago ng 5th ID

,

Kinundena ng Karapatan-Cagayan Valley ang higit isang buwan nang pagtatago at iligal na detensyon ng 5th ID sa dalawang kabataang organisador sa rehiyon na dinakip noong Abril 20. Hindi pa rin inihaharap sa pamilya, mga abugado at taong-simbahan, at grupo sa karapatang-tao ang mga biktimang sina Andy Magno at Sofia Almonte, isang katutubong Agta.

Sina Magno at Almonte ay dinakip sa Barangay Dicamay II, Jones, Isabela habang nangngampanya para sa eleksyon. Pinalabas ng mga sundalo na sila ay mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na nadakip kasunod ng “engkwentro”.

Nauna nang pinasinungalingan ng BHB-Cagayan Valley ang paratang na ito at sinabing walang naganap na labanan sa lugar. Ayon sa ulat, nagpaulan ng bala sa kabahayan ang mga sundalo ng 86th IB para palabasing nagkaroon ng engkwentro.

Matapos ang insidente, humimpil sa kabahayan ng Dicamay II ang mga berdugo at naghasik ng takot sa mga residente upang pilitin silang baligtarin ang kanilang salaysay kaugnay sa pekeng engkwentro.

“Sino ang nag-utos sa mga elemento ng 5th ID na hindi igalang ang mga karapatan ng dalawang dalaga? Sino ang nag-utos na hindi sila dalhin sa korte, pumili ng abugado na nais nila at makausap ng mga taong simbahan?” pahayag ng Karapatan-Cagayan Valley.

Panawagan ng grupo, dapat kaagad na iharap sa pamilya ang dalawang biktima at payagang kausapin ang kanilang piniling abugado. Giit din nilang panagutin ang mga upisyal ng 5th ID at iba pang imbwelto sa patung-patong na mga krimen at paglabag sa karapatang-tao.

AB: Mga kabataang organisador sa Cagayan Valley, isang buwan nang itinatago ng 5th ID