Mga kasapi ng Kabataang Makabayan sa Pampanga, nanumpa sa bandila
Pinagtibay ng mga kasapi ng Kabataang Makabayan (KM)-Pampanga ang kanilang paninindigan at katapatan sa organisasyon sa inilunsad na muling panunumpa sa bandila ng KM noong Oktubre. Inilunsad ito sa isang hindi tinukoy na sakahan sa prubinsya ayon sa ulat ng espesyal na isyu ng Kalayaan noong Oktubre na inilathala ng KM-Central Luzon.
Ang ginamit na bandila sa panunumpa ay magkakasama ring inihanda ng mga kasapi ng KM-Pampanga. Ipininta nila ang gintong tatsulok at ang simbolo ng KM tulad ng sa Katipunan sa isang pulang tela. “[Ang bandila ay] sumisimbulo sa ginintuang tungkulin ng KM na magmulat, mag-organisa at magpakilos ng kabataan para sa Demokratikong Rebolusyong Bayan,” ayon sa pahayagan.
Pinagtibay din nila ang buong pusong pagtanggap sa linya, programa at patakaran ng KM, pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusang kabataan-estudyante sa probinsya, pag-aambag sa armadong pakikibaka at pagpupunyagi sa pambansa-demokratikong rebolusyon hanggang sa ganap na tagumpay.
Ayon sa ulat, lumahok din ang mga kabataan sa kolektibong pagbubungkal sa sakahan. Isinagawa ito ng balangay para ilapit ang loob ng mga kabataan sa mga usapin ng uring anakpawis at hikayatin silang regular na lumabas sa kanilang mga pamantasan upang makilahok sa produksyon at panlipunang praktika.
Ibinahagi ng KM-Pampanga ang kanilang naging pagsasaayos sa balangay sa nagdaang mga buwan para pangibabawan ang mga kahinaan sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Inihayag rin ng balangay ang kanilang mga pagsisikap para magwasto, alinsabay sa ipinanawagang kilusang pagwawasto ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas noong Disyembre 2023.