Mga magbubukid ng Negros Occidental, nagpiket sa harap ng kapitolyo
Nagpiket ang mga magbubukid ng Negros Occidental sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP)-Negros at National Federation of Sugar Workers (NFSW)-Negros kahapon, Oktubre 30, sa harap ng kapitolyo ng prubinsya sa Bacolod City. Nanawagan sila sa gubernador na manindigan laban sa plantasyon ng oil palm sa bayan ng Candoni at iginiit na bigyan ng suporta ang mga apektado ng tiempo muerto o patay na panahon.
Sa pagharap ng Provincial Environment Monitoring Office, nagdahilan itong limitado ang kapangyarihan ng lokal na gubyerno para pigilan ang ekspansyon ng plantasyon ng Hacienda Asia Plantation Incorporated (HAPI) at ng mga Consuji sa Candoni. Sinimulan ng HAPI Inc ang pagpapalayas at pagbuldoser sa lupa ng mga residente ng mga barangay Gatuslao, Agboy at Payauan sa bayan ng Candoni noong Hulyo. Nasa 6,652 ektaryang lupa ang inaagaw ng kumpanya.
Ayon sa ahensya, ang tanging kaya nilang gawin ay magsagawa ng dayalogo sa HAPI kasama ang mga apektadong residente para idulog ang kanilang mga hinaing. Labis na dismayado ang mga magbubukid sa kainutilan ng lokal na gubyerno para protektahan ang kanilang mga karapatan at ang kanilang lupa.
“Ang kada araw na pinahihintulutan ang operasyon ng HAPI Inc sa Candoni ay katumbas ng ilang taon ng hindi na maipanunumbalik na pagkawasak sa kalikasan. Kailangan namin ng tugon ngayon,” pahayag ni Dani Tabura ng KMP Negros.
Liban dito, inihapag rin ng mga magbubukid ang kanilnag panawagan sa lokal na gubyerno para maglaan ng badyet para sa taunang problema ng mga manggagawang-bukid sa tubuhan dahil sa tiempo muerto. Nanindigan silang dapat magbigay ng ₱15,000 tulong pinansyal ang gubyerno sa mga magsasakang walang trabaho sa panahon ng tiempo muerto.