Mga magbubukid sa Panay, nagprotesta sa araw ng ika-38 ng CARP
Naglunsad ng protesta ang mga magsasaka sa isla ng Panay noong Hunyo 10, sa ika-38 anibersaryo ng bogus na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Inilunsad ang pagkilos sa harap ng Jaro Cathedral, Iloilo City sa pangunguna ng Paghugpong sang Mangunguma sa Panay kag Guimaras (Pamanggas), panrehiyong balangay ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.
Nagbitbit ng kandila sa pagkilos ang mga magsasaka at nanawagang “Depensahan ang Duta, kag Pangapinan ang Tawhanon nga Kinamatarong sang mga Mangunguma!” (Ipagtanggol ang lupa, at protektahan ang karapatan ng mga magsasaka!). Ibinahagi ng mga magbubukid ang tunay na kalagayan ng mga magsasaka sa Panay at inilantad ang kainutilan ng CARP.
Anila, sa halip na matulungan sila ng programa ay lalo pa silang nalubog sa kahirapan dahil sa mahal na amortisasyon at kulang na suporta para sa lokal na produksyon. Sa gayon, batid nilang ang CARP ay nagbigay-daan lamang para mapunta sa kamay ng mayayamang asyendero, panginoong maylupa, at debeloper ang lupang pilit na binenta ng maliliit na magsasaka.
“Lumilipas ang mga rehimen ngunit nananatili pa rin ngayon ang tanikala ng pyudalismo,” ayon sa Pamanggas. Sa kasalukuyan, dumagdag pa sa bogus na CARP ang SPLIT o Support to Parcelization of Lands for Individual Titling at iba pang programa ng rehimeng Marcos na nagpapahirap sa mga magsasaka.
Maliban sa mga patakarang ito, nagdurusa rin ang mga masasaka sa militarisasyon na nangyayari sa kanayunan. Ayon sa Pamanggas, nasasapeligro ang buhay ng mga magsasaka sa paniniktik, gawa-gawang kaso, pagtatanim ng ebidensya, pambobomba, at iba pang kaso ng palabag sa karapatang-tao na isinasagawa ng militar.
“Ngunit, kung kailan pinakasidhi ang kontradiksyon sa pagitan ng mga magsasaka at reaskyunaryong estado, ay ang panahon din kung kailan lumalakas ang kontra-pyudal at kontra-militarisasyon na kampanyang masa,” ayon sa Pamanggas.
Isa sa mga pagsisikap ng kilusang magsasaka sa isla ng Panay at Guimaras ay ang pagtatanggol nila sa tagapangulo ng Pamanggas na si Lucia Capaducio na hinaharas at nire-Red-tag ng militar. Kasabay ng protesta, upisyal na inilunsad ng mga magsasaka ang kampanyang “Hands Off Lucia Capaducio”.
Ang pagkilos ng Pamanggas ay kasabay ng protesta sa Quezon City ng daan-daang magbubukid sa pangunguna ng KMP.