Balita

Mga magsasaka at residente, nagbarikada kontra demolisyon sa Zambales

,

Nagbarikada at nanindigan ang mga magsasaka at residente ng Barangay Taltal sa Masinloc, Zambales laban sa demolisyon sa 32-ektaryang lupang sakahan sa Sityo Togue noong Hunyo 19. Sa gitna ng demolisyon, limang magsasakang lider at kasapi ng Samahang Magsasaka at Mangingisda sa Barangay Taltal (SAMMBAT) ang inaresto ng mga pulis.

Sumugod sa komunidad ang mga magpapatupad ng demolisyon sa pangunguna ni Sheriff Roy Mendones ng upisina ng Provincial Sheriff kasama ang humigit-kumulang 70 pulis at mga tauhan ng SWAT. Ikinulong ng mga pulis sina Neil Edward Geroca, tagapagsalita ng grupo, si Claire Elfalan, kalihim ng SAMMBAT, at mga kasapi nito na sina Elmer Nollas, Elmer Madarang, at Alex Mose.

Kakasuhan ang mga magsasaka ng obstruction of justice, direct assault, resistance & disobedience (o Violation ng Art. 151 ng Revised Penal Code) at pisikal na pananakit. Pinalalabas ng pulis na nakumpiska sa kanila ang molotov at tirador.

Naganap ang demolisyon sa kabila ng piket-dayalogo ng SAMMBAT sa Department of Agrarian Reform Provincial Office (DARPO) sa Iba, Zambales noong Hunyo 10. Hiniling nila noon sa kagawaran na muling magsagawa ng imbestigasyon kaugnay ng kanilang pag-angkin at karapatan sa lupa.

Ang SAMMBAT ang grupo ng mahigit-kumulang 90 na magsasaka at mangingisda (400 indibidwal kasama ang pamilya) na naninirahan sa halos 100 kabahayan sa loob ng 32 ektaryang lupa. Panahon pa ng Hapon, sinasaka na ng mga taga-Taltal ang lupang ngayo’y inaangkin nina Daniel at Edgardo Yap.

Ang 32 ektaryang lupa ay kabilang sa kabuuang 55 ektaryang lupa na orihinal na bahagi ng programang pamamahagi ng lupa ng gubyerno. Noong 1992, idineklara ng DAR ang buong lupain na “exempt” o hindi na kabilang sa programa.

Sa kabila nito, ipinamahagi ng gubyerno ang 23 ektaryang lupa noong 2004 habang ipinangako ng DARPO na kagyat ding isusunod ang pamamahagi sa 32 ektarya. Patuloy na binungkal at pinagyaman ng mga magsasaka at mangingisda ang lupa sa Barangay Taltal.

Noong 2004, sa halip na pamamahagi, katulad ng naunang naipangako, idineklara ng DARPO na “not suitable for agriculture purposes” ang 32 ektaryang lupa. Batid ng mga magsasaka na paraan ito para bigyang daan ang kumbersyon sa lupa na itinutulak ng pamilyang Yap.

Para hamunin ang DAR 1992 Exemption Order at desisyon ng DARPO, nakipagdayalogo ang SAMMBAT sa DAR Central Office noong Hunyo 2024. Nagsampa sila ng petisyon noong Setyembre 2024 para baligtarin ang exemption order. Wala pang desisyon ang ahensya kaugnay nito.

Samantala nakamit nila noong Marso, matapos ang tuluy-tuloy na paggigiit, ang isang Certificate of Pendancy o pagpapatunay na mayroon pang usapin sa lupa. Isinumite ng dokumentong ito kasama ang iba pang mga ebidensya sa isang korte sa Zambales.

Nakiisa ang Alyansa ng Magbubukid ng Gitnang Luson at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa pakikibaka ng mga taga-Taltal. Nanawagan sila ng suporta at sama-samang pagpunta sa Barangay Taltal para makiisa sa laban ng komunidad.

AB: Mga magsasaka at residente, nagbarikada kontra demolisyon sa Zambales