Mga magsasaka, nagkampuhan sa DAR sa Bacolod City
Nagsagawa ng 2-araw na kampuhan ang mga magsasaka at manggagawang-bukid sa harap ng upisina ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Bacolod City sa pangunguna ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP)-Negros noong Nobyembre 6-7. Nagmula sa iba’t ibang bayan at syudad ng Negros Occidental ang mga magsasakang lumahok sa kampuhan.
Ipinanawagan ng mga magbubukid sa ahensya ang pagpapatigil sa mapangwasak na pagpapalit-gamit ng lupang pang-agrikultura sa prubinsya. Panawagan nila, dapat pagtuunan ng pansin ng ahensya ang tunay na reporma sa lupa na pakikinabangan ng pinakamahihirap na magbubukid.
Binatikos rin ng mga grupo ang malakihang importasyon ng asukal sa bansa na lubhang nakaaapekto sa maliliit na matutubo. Apektado ng usaping ito ang nasa 300,000 magtutubo at manggagawang-bukid sa mga asyenda.
Ginunita ng mga grupo sa unang araw ng kampuhan, ang ika-6 na anibersaryo ng pagkamartir ni Atty. Ben Ramos, tagapagtanggol ng karapatang-tao at abugado ng mga magbubukid. Pinaslang si Atty. Ramos ng mga pwersa ng estado noong Nobyembre 6, 2018 sa Kabankalan City.
Kasapi siya ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) na mahigpit na kaisa at katuwang ng mga aping sektor tulad ng mga magsasaka, mangingisda at anakpawis sa isla ng Negros. Nagsilbi rin siyang direktor ng Paghida-et sa Kauswagan Development Group, Inc, isang institusyong sumusuporta sa mahihirap na sektor.
Kasabay ng pagtitirik ng kandila, pinagpugayan ng KMP-Negros at NFSW ang dedikasyon at buhay ni Atty. Ramos sa mga aping sektor ng lipunan. Nanawagan rin sila ng hustisya para sa kanya at lahat ng mg biktima ng ekstra-hudisyal na pagpaslang ng mga pwersa ng estado.
Nakiisa sa unang araw ng kampuhan ang mga lider-masa at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan na sina Ronnel Arambulo at Eufemia Doringo. “Hindi na nga tinutugunan ang hinaing ng mga magsasaka para sa karapatan sa lupa, pinatay pa ang abugado na tumutulong sa kanila,” pahayag ni Arambulo.