Mga mamamahayag sa Bicol, ginigipit ng 9th ID

Kinundena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at AlterMidya Network ang panggigipit ng mga elemento ng 903rd IBde kay Reynard Magtoto, myembro ng NUJP at Altermidya at mamamahayag ng Baretang Bikolnon. Napag-alaman ng NUJP na nagpadala ng sulat si Capt. Michelle Estares ng 903rd IBde sa kapitan ng barangay kung saan nakatira si Magtoto upang makipagpulong umano hinggil sa NUJP-Bicol.

Ayon sa naturang sulat, nakakategorya sa militar bilang “sectoral front organization” ang NUJP-Bicol.

Noon namang Disyembre 5, pinatawag ng mga sundalo ang ina ni Magtoto at ipinaabot sa kanya na nagreklamo ang mga sundalo dahil lahat ng sinusulat niya ay “kritikal” o pumupuna sa militar.

Samantala, kinundena naman ng pahayagang The Pillars, ang upisyal na publikasyon ng Ateneo De Naga University, noong Nobyembre 27 ang lantarang intimidasyon, pananakot at pang-aatake ng mga elemento ng 9th ID sa mga pangkampus na mamamahayag at estudyante ng unibersidad. Una nang naglabas ng pahayag ang The Pillars noong Setyembre hinggil sa pagsurbeylans at pangre-Red-tag sa mga myembro nito.

Ayon sa datos ng publikasyon mula Hulyo hanggang Nobyembre nitong taon, apat na alumni ang nakatanggap ng pananakot; isa ang hinaras sa labas ng unibersidad; at pinuntahan at binalik-balikan sa kani-kanilang bahay. Tatlo ang nakatanggap ng sulat mula sa AFP.

Nananawagan ang publikasyon at mga myembro nito ng proteksyon, aksyon at suporta mula sa administrasyon ng unibersidad. (Ulat ng Radyo Bulusan)

AB: Mga mamamahayag sa Bicol, ginigipit ng 9th ID