Mga manggagawa, nagprotesta sa embahada ng US sa araw ng paggawa

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagmartsa patungo sa embahada ng US sa Roxas Boulevard sa Ermita, Manila ang mga manggagawa at iba pang mga sektor, sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), noong Mayo 1 para batikusin ang inilulunsad na Balikatan Exercises 2024 sa bansa at ang pagtutulak ng rehimeng Marcos sa anti-nasyunal at anti-manggagawang charter change (chacha). Sigaw ng mga manggagawa: sahod at soberanya, hindi gera at chacha! Ang protesta sa embahada ng US ay kasunod ng pagkilos ng malawak na koalisyong ng mga manggagawa sa Morayta, Manila.

“Hindi kakampi, kundi kaaway [ang US],” pahayag ng KMU. Giit nito, ang inilulunsad na Balikatan Exercises 2024 na may layuning upatin ang isang gera laban sa China ay magsasapanganib sa bansa at mamamayang Pilipino. Anito, ginagawa ito ng US para palabasin ang sarili bilang “tagapagtanggol ng maliliit na bayan at pagkakitaan ang pagbenta ng mga armas.”

Kinundena rin nila ang pagraratsada ng rehimeng Marcos sa chacha. Anila, gagamitin ito ng imperyalistang US para ipagpatuloy “ang panghihimasok sa Pilipinas.” Pahihintulutan ng chacha ang 100% dayuhang pag-aari sa ilang susing sektor ng ekonomya ng bansa. “Gagamitin ito para manghimasok lalo ang mga dayuhang kapitalista upang kumamal ng higanteng tubo habang sinasaid ang ating lakas-paggawa, likas na yaman, at kasarinlan,” anang KMU.

Ang mga ito umano ang patunay ng “lalong pinapalakas ng rehimeng Marcos Jr ang kawing ng imperyalistang US sa Pilipinas.”

Palayain ang Mayo Uno 6

Anim na mga kabataang aktibista, na binansagang Mayo Uno 6, ang kinaladkad at inaresto ng mga pulis sa protesta sa embahada ng US. Bago nito, nagawang makalampas ng mga grupo sa unang barikada ng mga pulis. Tinatayang 12,000 ang ipinakat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) laban sa mga raliyista.

Marahas na binuwag ng mga pulis ang protesta ng mga grupo malapit sa US Embassy noong Mayo 1. (Photo from May Day Multimedia Facebook page)

“Ang paggamit ng labis-labis na pwersa ng Manila Police District ay nagsisiwalat sa tunay nilang katangian: tagapaglingkod ng mga mayayaman at makapangyarihan, at tagaprotekta sa mga gahaman,” pahayag ng KMU.

Giit pa nila, kasanayan na umano ng mga pulis ang brutalidad at walang puwang sa kanila ang ipinangangalandakan sa midya na na “maximum tolerance” o pagtitimpi, laluna sa mga pagkilos at protesta malapit sa embahada ng US.

Sa parehong araw, kaagad na nagsagawa ng rali ang mga kabataan at grupo sa karapatang-tao sa hedkwarters ng Manila Police District para ipanawagan ang pagpapalaya sa anim na inaresto. Hindi pa malinaw kung anong kaso ang isasampa sa kanila ng mga pulis.

“Nananawagan kami sa kagyat na pagpapalaya sa [Mayo Uno 6], at para sa isang mabilis at walang kinikilingang imbestigasyon sa karahasan ng mga pulis,” anang grupo.

AB: Mga manggagawa, nagprotesta sa embahada ng US sa araw ng paggawa