Mga manggagawa ng asukarera sa Batangas, nagpiket

,

Naglunsad ng piket ang mga manggagawang kasapi ng Batangas Labor Union at Central Azucarera Don Pedro Professional Technical Monthly Paid Workers Union Inc. sa harap ng ilohan ng Central Azucarera Don Pedro sa Nasugbu, Batangas kahapon. Inihayag nila ang mga isyu ng pakikialam ng maneydsment sa unyon, intimidasyon at panggigipit laban sa unyon at mga kasapi nito at ang malawakang kawalan ng kabuhayan dulot ng pagsasara ng ilohan.

Isinara ng CADPI ang tatlong mayor na departamento nito sa Nasugbu noong Disyembre 15, 2022. Ayon kay Christian Bearo, tagapagsalita ng Sugarfolks Unity for Genuine Agricultural Reform (SUGAR)-Batangas, tinatayang 12,000 manggagawang bukid at mahigit 7,000 maliliit na plantador ang nawalan ng kabuhayan dahil sa hindi makatarungang pagsasara ng asukarera. “Sinisira nito ang lokal na industriya ng asukal hindi lamang sa prubinsya, kundi sa buong bansa,” ayon pa sa grupo.

Sa mga piket, iginiit ng mga manggagawa na muling buksan ang ilohan para magkaroon ng trabaho, sapat na kumpensasyon sa mga plantador ng asukal at pagrespeto sa mga napagkasunduan sa collective bargaining agreement ng maneydsment at unyon.

Naghain ng motion to strike ang dalawang unyon noong Pebrero 8 sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) laban sa CADPI kaugnay ng hindi pagtugon nito sa kahingian ng mga manggagawa.

Kasama ang Makabayan, naghain ng resolusyon sa House of Representatives ang mga manggagwa ng CADPI at manggagawang-bukid noong Pebrero 15. Kinapanayam din nila ang ibang kinatawan sa kongreso para makakuha ng suporta sa kanilang panawagan.

Bago nito, iginiit ng SUGAR-Batangas sa gubyerno na bilhin at pangasiwaan ang operasyon ng CADPI para maisalba ito upang palakasin ang lokal na industriya ng asukal sa prubinsya.

Anang SUGAR, lubhang apektado ng pagsasara ang mga plantador sa Batangas. Ito ay dahil 4,500 metriko toneladang asukal lamang kada araw ang kayang gilingin ng nalalabing tumatakbong sugar mill sa prubinsya kumpara sa kapasidad ng CADPI na 12,000 metriko tonelada kada araw. Sa taya noong 2020, sinasaklaw ng CADPI ang 10,980 ektarya ng tubuhan sa prubinsya.

AB: Mga manggagawa ng asukarera sa Batangas, nagpiket