Balita

Mga manggagawa sa Laguna, nagpiket kontra korapsyon ng rehimeng Marcos

,

Naglunsad ng piket protesta ang mga manggagawa sa Laguna noong Oktubre 17 bilang pakikiisa sa linggu-linggong Black Friday Protest laban sa matinding korapsyon ng rehimeng Marcos. Lumahok sa pagkilos ang mga unyon sa ilalim ng Alyansa ng Manggagawa sa Probinsya ng Laguna at Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (Pamantik-KMU).

Sa kani-kanilang mga pagawaan, nagsagawa ng maiksing programa at kalampagan ang mga unyon ng manggagawa sa Philfoods Fresh Baked Products Inc, Gardenia Bakeries Phils, Technol Eight Philippines, Daiwa, Fuji Electric, Ebara, Wyeth Philippines at Yakult. Binatikos nila ang katiwalian sa ilalim ng rehimeng Marcos na higit na nagpapahirap sa tulad nilang karaniwang mamamayan ng bansa.

Sinupil ng kapitalista ng Gardenia Philippines at presidente ng Laguna International Industrial Park Association (LIIP) Inc na si Simplicio Umali Jr ang protesta ng mga manggagawa sa engklabo ng LIIP sa Biñan. Pinagbawalan silang magsuot man lamang ng pulang t-shirt bilang porma ng pagkilos.

Kinundena ng Pamantik-KMU ang paglabag ng LIIP sa karapatan ng mga manggagawa para sa mapayapang pagkilos at pagpapahayag ng kanilang saloobin. Binatikos rin ng grupo ang kainutilan ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB) Region 4A dahil sa pagtanggi nitong ipagtanggol ang mga manggagawa laban sa LIIP.

Ayon sa NCMB-4A, wala itong magagawa dahil wala itong hurisdiksyon sa LIIP. “Samantalang malinaw na labor dispute ito na tulak rin ng mga dambuhalang kapitalista sa LIIP, dapat lang saklawin ang usapin ng mga manggagawa sa engklabo, dapat na mangialam ang NCMB, DOLE sa mga ganitong usapin,” ayon sa Pamantik-KMU.

Batid ng mga manggagawa sa rehiyon at ng Pamantik-KMU na layunin ng mga pag-atakeng ito ng mga kapitalista at LIIP na pigilan na mamulat ang iba pang mga manggagawa sa engklabo. “[Pagsupil ito] sa kanilang mga batayang karapatan sa pag-uunyon o pagbubuo ng organisasyon para ipaglaban ang karapatan sa nakabubuhay na sahod at makataong kondisyon sa loob ng pagawaan,” ayon sa grupo.

Samantala, kinundena rin nila ang serye ng Red-tagging at panghaharas ng National Task Force-Elcac sa mga lider manggagawa ng Pamantik-KMU at Olalia-KMU. “Dito napupunta ang bilyun-bilyong pisong pondo galing sa buwis ng sambayanan pero panggigipit, pagsampa ng gawa-gawang kaso at pamamaslang ang ginagawa ng mga berdugo at bayarang NTF-Elcac!” pahayag ng Pamantik-KMU.

Nanawagan ang Pamantik-KMU sa mga kapwa manggagawa na wag magpatakot at sama-samang kumilos at lumabas sa apat na sulok ng pabrika para labanan ang panunupil na ito ng estado at kapitalista.

AB: Mga manggagawa sa Laguna, nagpiket kontra korapsyon ng rehimeng Marcos