Mga manggagawang pangkalusugan, naglunsad ng partido para sa eleksyong 2025
Daan-daang mga manggagawang pangkalusugan at kanilang tagasuporta ang nagtipon noong Setyembre 14 sa Philippine Heart Center sa Quezon City para sa pambansang kongreso at upisyal na paglulunsad sa Health Workers Partylist. Dumalo sa pagtitipon ang iba’t ibang unyon ng mga ospital at ang 11 balangay ng partido. Lalahok sa eleksyon sa party list ang Health Workers Partylist sa 2025.
Layunin ng partido na magkaroon ng mga kinatawan sa Kongreso para itampok ang mga isyu ng sektor tulad ng nararapat na sahod at mga benepisyo ng mga manggagawang pangkalusugan at dekalidad at libreng serbisyong pangkalusugan sa mamamayan.
“Higit na pinatunayan ng dose-dosenang mga misyong relip at pangkalusugan na ating inilunsad ang pangangailangan para sa pagbabago sa mga patakaran para tiyakin ang pagbibigay ng nararapat na serbisyong pangkalusugan sa mga Pilipino laluna sa panahon ng pangangailangan,” pahayag ni Dr. Benigno Santi II, Health Workers PartyList President.
Ipinakilala ng partido ang kanilang mga nominado sa pambansang kongreso. Unang nominado ng partylist si Robert Mendoza, isang kumadrona at pambansang pangulo ng Alliance of Health Workers, ikalawang nominado si Maristela Abenojar, isang nars at presidente ng Filipino Nurses United (FNU), at ikatlong nominado na si Benigno Santi, isang radiologist. Liban sa kanila, mayroon pang pitong ibang nominado na manggagawang pangkalusugan, nars, dentista, at duktor.
“Napatunayan natin na sa pamamagitan ng ating mahigpit na pagkakaisa at sama-samang pagkilos, nagagawa nating ipaglaban ang ating mga karapatan. Ngunit hindi tayo titigil dito, patuloy tayong magsusulong ng ating [mga] karapatan, kagalingan, kapakanan [at] karapatan ng mga pasyente nating pinagsisilbihan,” ayon sa unang nominadong si Mendoza.
Inendorso rin ng partylist ang kandidatura sa Senado ni Jocelyn Andamo, isang nars at pangkalahatang kalihim ng FNU, at mga kasama sa hanay ng Koalisyong Makabayan. Sa kanyang talumpati, nagpahayag si Andamo ng pagpupugay at pasasalamat sa kapwa niyang mga manggagawang pangkalusugan sa kanilang determinasyon at suporta.
Kasalukuyang hinihintay ng Health Workers Partylist ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) sa kanilang motion for reconsideration kaugnay sa naunang desisyon nito na ibasura ang pagrehistro ng partylist dahil sa isang simpleng teknikal na usapin.
Panawagan nila: “Tumindig, magsama-sama, makipagkaisa sa malawak na taumbayan. Ikampanya natin ang Health Workers PartyList sa Kongreso, si Nars Alyn Andamo at 9 pang Makabayan sa Senado!”