10 kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan, upisyal na inanunsyo
Pormal na ipinakilala ng Koalisyong Makabayan ang 10 kandidato nito pagkasenador sa darating na eleksyong 2025 kahapon, Agosto 26, sa Liwasang Bonifacio, Manila City. Naunang ipinahayag ng koalisyon ang kanilang planong bumuo ng kumpletong tiket para sa pagkasenador. Simboliko nilang itinaon ang anunsyo sa Araw ng mga Bayani.
Itinampok sa pagpapakilala ang iba’t ibang isyung pambayan at interes ng ordinaryong mamamayan. Anang koalisyon, buo ang pasya nito na hamunin ang eleksyong dinodomihan ng mga paksyon ng naghaharing uri. Sigaw nila: Taumbayan sa Senado!
Itataguyod ng mga makabayan at progresibong kandidato nito ang komprehensibong programang pambansa-demokratiko na tutugon sa “hangarin ng sambayanang Pilipino para sa pag-unlad para sa nakararami, respeto sa karapatan, at ganap na pambansang soberanya.”
Bago ang pormal na deklarasyon, nauna nang nag-anunsyo ng kanilang kandidatura ang pitong mga progresibong lider simula Hunyo. Ang tatlong karagdagang kandidato ay ipinakilala kahapon.
Ang sumusunod ang mga kandidato ng Makabayan sa senado:
1. Teacher France Castro, kinatawan ng ACT Teachers Partylist
2. Arlene Brosas, kinatawan ng Gabriela Women’s Party
3. Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno
4. Liza Maza, co-chairperson ng Makabayan
5. Ronnel Arambulo, vice chairman ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya)
6. Teddy Casiño, chairperson ng Bagong Alyanang Makabayan (Bayan)
7. Danilo Ramos (Ka Daning), tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP)
8. Nurse Jocelyn Andamo, pangkalahatang kalihim ng Filipino Nurses United (FNU)
9. Mody Floranda, chairperson ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston)
10. Mimi Doringo, pangkalahatang kalihim ng Kalipunan ng Damayang Mahihirapn (Kadamay)
“Ang slate na ito ay kumakatawan sa aming hindi nagmamaliw na dedikasyon sa mga prinsipyo ng nasyunalismo, demokrasya at hustisyang panlipunan,” pahayag ni Bayan Muna chairman at Makabayan Co-Chairperson Atty. Neri Colmenares. Pagdidiin pa niya, sila ay hindi lamang simpleng mga lider kundi tunay na mga tagapagtaguyod ng karapatan ng karaniwang Pilipino, at handang magsulong ng mga patakarang para sa mga inaapi at isinasantabing sektor ng lipunan.
Nagpahayag ng kani-kanilang suporta ang iba’t ibang mga progresibo at demokratikong organisasyon sa anunsyo ng Makabayan. Ipinabatid din nila ang kahandaang ikampanya sa abot ng kanilang makakaya ang mga kandidatong ito.
“Napatunayan na ng mga kandidato ng Makabayan ang kanilang katapatan sa mamamayang Pilipino. Wala silang rekord ng korupsyon. Wala silang takot dahil pinanday sila ng mga welga, demolisyon at mararahas na pagbuwag sa mga rali,” pahayag ni Ka Elmer Labog, chairman ng KMU.
Ikinalugod naman ng KMP at Pamalakaya ang pagsali ng kanilang mga kinatawan sa hanay ng mga kandidato ng koalisyon. “Krusyal na magkaroon ng representasyon ang mangingisda at magsasaka sa darating na pambansang halalan lalo’t ang dalawang sektor ang palagiang naitatalang pinakamahirap na sektor sa bansa,” ayon sa kanila sa isang pinag-isang pahayag.
Para kay Atty. Colmenares, akmang isinagawa ang anunsyo sa araw ng mga bayani bilang pagdidiin sa panatang ipagpapatuloy ang legasiya ng mga bayani ng bansa na nakibaka para sa malaya, makatarungan at demokratikong Pilipinas.
“Ang anunsyong ito ay isang mahalagang pagkakataon sa tinatahak na landas ng koalisyon, habang patuloy nitong pinakikilos ang taumbayan tungo sa pulitika ng pagbabago,” ayon pa sa kanya.
Isasagawa ng Commission on Elections ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas ang pagtanggap ng papeles sa pagkakandidato sa Oktubre 1 hanggang Oktubre 8. Ang eleksyong mid-term ay isasagawa nito sa Mayo 12, 2025.
Liban sa mga kandidato pagkasenador, tatakbo rin ang mga progresibong partido at partylist na nakapaloob sa ilalim ng Koalisyong Makabayan. Kabilang dito ang Bayan Muna, Gabriela Women’s Party, ACT Teachers, at Kabataan.