Mga manggagwang pangkalusugan, nagprotesta para sa benepisyo at badyet

,

Muling nagkasa ng protesta ang mga manggagawang pangkalusugan noong Oktubre 10 sa tapat ng Jose R. Reyes Memorial Medical Center (JRRMMC) sa Avenida Rizal sa Maynila para igiit ang dagdag-sweldo, agarang pagbibigay ng mga benepisyo at mas malaking badyet para sa sektor ng kalusugan. Nagtipun-tipon sa protesta ang mga kasapi ng Alliance of Health Workers (AHW) mula sa JRRMMC, San Lazaro Hospital at Dr. Jose Fabella Memorial Hospital.

Ipinanawagan nila ang pagbabalik ng ₱10 bilyon na kinaltas sa badyet ng Department of Health, ₱1.7 bilyong kinaltas sa mga ospital na may espesyalisasyon at ₱2 bilyong kinaltas sa Philippine General Hospital (PGH). Iginiit din ng AHW ang ₱33,000 entry salary para sa mga manggagawang pangkalusugan sa pribado at pampublikong ospital.

Sa isang hiwalay na pahayag noong Oktubre 11, ikinalugod ng mga manggagawang pangkalusugan ang paunang tagumpay ng pagbibigay ng dagdag badyet para sa kalusugan na ₱43.9 bilyon. Sang-ayon ang paglilipat ng badyet na ito sa inilabas na amyenda ng House of Representatives sa panukalang pambansang badyet.

Ang badyet na idinagdag ay mapupunta partikular sa Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP), mga legacy and specialty hospital, pagtulong sa may kanser, programa kaugnay ng nakahahawang mga sakit at pagpapaunlad sa mga pasilidad sa kalusugan. Makakukuha rin ng dagdag na ₱1 bilyon ang PGH, ayon sa AHW.

Giit ni Robert Mendoza, pambansang pangulo ng AHW, napatunayan nito na may maibubungang maganda ang kanilang sama-samang pagkilos at paggigiit para sa badyet sa kalusugan. Gayunman, kailangan pang palakasin ang kanilang pagsisikap para magkaroon ng makabuluhang dagdag sa badyet, aniya.

Ikinalugod din ng mga manggagawang pangkalusugan na ang badyet ay nagmula sa confidential at inelligence funds ng mga sibilyang ahensya ng gubyerno kabilang na ang sa upisina ng bise presidente at Department of Education na hawak ni Sara Duterte.

Sa kabila nito, binigyang diin ni Mendoza na “mahigpit silang nananawagan sa mga mambabatas na ilaan na lamang ang [iba pang] confidential at intelligence fund para sa pampublikong ospital at pasilidad, at iba pang serbisyong panlipunan.” Kaugnay ito ng paglilipat ng naturang pondo sa mga upisina sa seguridad at paniktik ng gubyerno, na pawang hindi pa rin matutuos dahil sa katangian nitong “confidential” o sikreto.

AB: Mga manggagwang pangkalusugan, nagprotesta para sa benepisyo at badyet