Mga mangingisda sa Navotas, nagprotesta kontra reklamasyon sa Manila Bay

,

Nagprotesta sa baybayin sa Navotas City noong Agosto 19 ang mga mangingisdang kasapi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) at mga grupong nagtatanggol sa kalikasan para ipanawagan ang kagyat na pagpapahinto sa mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay. Anang mga grupo, palabas lamang ang sinabi ng rehimeng Marcos Jr na pinahihinto ang 22 reklamasyon sa lugar.

Ayon sa Pamalakaya, mismong Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang umamin sa naging pagdinig sa House of Representatives para sa pambansang badyet na hindi pa naglalabas ng kahit anong upisyal na suspensyon ang gubyerno sa mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay.

“Hindi matatahimik ang mga mangingisda hanggang nananatili sa aming baybayin ang mga kagamitang pang-reklamasyon na nagdudulot ng malaking perwisyo sa aming kabuhayan. Ang kailangan namin ay katiyakan na ang mga mapangwasak na proyektong ito ay permanenteng ipatitigil,” ayon kay Ronnel Arambulo, Vice Chairperson ng Pamalakaya.

Kinastigo ng grupo si Marcos Jr sa hindi pagtupad ng kanyang rehimen sa sinabing suspensyon sa mga proyektong ito. Anila, dapat maglabas ng atas ehekutibo ang rehimeng Marcos Jr para ipatigil na ang mga umiiral na proyektong reklamasyon sa Manila Bay.

Liban dito, muling iginiit ng Pamalakaya ang panawagan sa DENR na bawiin ang environmental permit na ipinagkaloob nito sa 22 mapanirang reklamasyon at proyektong dredging sa Manila Bay.

Iniulat din ng mga mangingisda sa Navotas City na simula nang nag-umpisa ang mga reklamasyon sa kanilang baybayin, bumagsak nang 80% ang kanilang arawang kita mula sa pangingisda. Dagdag pa rito ang ginawang pagpapabaklas sa mga tahungan at baklad ng mga mangingisda simula pa Setyembre noong nakaraang taon.

Sa bahaging Navotas City isinasagawa ang 650-ektaryang Navotas Coastal Bay Reclamation Project. Apektado nito ang 1,000 mangingisda, trabahante sa pangisdaan at nagpapatakbo ng mga istrukturang pangisda sa syudad.

AB: Mga mangingisda sa Navotas, nagprotesta kontra reklamasyon sa Manila Bay