Balita

Mga maralitang komunidad sa UP Diliman, mapapalayas ng UP SDG Park

,

Dalawang beses na nagpulong sa nagdaang mga linggo ang mga residente ng mga komunidad sa loob at palibot ng University of the Philippines (UP)-Diliman sa Quezon City. Sa mga ito, pinatatag ng mga residente ang pagkakaisa laban sa bantang pagpapalayas sa kanila ng UP para sa proyektong Sustainable Development Goals (SDG) Wellness Park.

Dumalo sa mga pulong noong Enero 11 at 18 ang mga samahan at organisasyon ng mga residente ng Pook Aguinaldo, Area 17 at Malantik, na apektado ng itinatayong proyekto. Nakiisa at sumuporta sa kanila ang mga grupo ng estudyante ng UP Diliman at mga progresibong grupo sa syudad.

Ang UP SDG Wellness Park ay isang proyekto ng administrayon ng UP na ipinapakete bilang espasyo ng pagkatuto, maka-kalikasan at pagtulong sa mga estudyante at komunidad. Bahagi ng naturang proyekto ang pagtatayo ng golf driving range, mga “maka-kalikasang” pasilidad, at iba pa.

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Quezon City, noong 2025 pa nagsimula ang UP sa pagsusukat ng masasagasaang mga komunidad. Anang grupo, walang naging paliwanag ang UP sa mga residente kaugnay nito at walang malinaw na plano sa relokasyon ng mga mapalalayas.

Dagdag nito, naiulat ang pagtatayo ng mga tent sa paligid ng mga saklaw na komunidad upang bantayan ang mga isinasagawang pagsusukat. Sa ilang pagkakataon, kasama pa ang Quezon City Police District sa pagsusukat ng lupa na nagdulot ng mas matinding pangamba sa mga residente, anang grupo.

“Malinaw na walang sapat na kaalaman at konsultasyon ang proyektong ito at taliwas sa makamasang uri ng pamantasan,” pahayag ng UP Diliman University Student Council. Kabilang ang konseho ng mga mag-aaral sa naninindigan kasama ang mga residente laban sa proyekto.

Ayon sa Bahagui Nating Isko, grupo ng mga boluntir na kabataang sumusuporta sa Pook Aguinaldo, dapat magkaisa ang mga estudyante at komunidad ng UP laban sa proyekto. “Mabibigay daan lamang ito sa pribatisasyon at komersyalisasyon,” pahayag ng grupo.

Iginigiit ng mga komunidad na mayroon silang karapatan sa lupa laluna at deka-dekada na silang nakatira doon. Ayon kay Kuya Dione, isang residente mula sa Area 17, “umabot na sa kaapu-apuhan ang tagal natin sa lupa na ito… Bahagi yan ng gobyerno na bigyan tayo ng maayos na bahay, pero nagtitiis tayo sa barung-barong para lang mabuhay at may matulugan lang,” aniya.

Hinimok din niya ang iba pang mga residente at komunidad na makiisa sa laban dahil nagbabala siya na posibleng “gumapang” o lalawak pa ang eryang sasaklawin ng UP SDG Wellness Park. “Ngayon palang kailangang labanan at pag-isipan bilang residenteng nakatira dito,” aniya.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang pagsisikap ng mga residente na pigilan ang anumang tahasang tangka ng UP na palayasin sila. Iniulat nila ang pagtatayo ng mga barikada sa komunidad para hindi papasukin ang mga tauhan ng UP.

Nanawagan Bayan-Quezon City sa mga organisasyon sa ilalim nito at mga residente ng syudad na makiisa sa laban kontra sa proyekto. “Dapat itigil ang SGD Wellness Park, kasama ang binubuong bike lane at urban farming plan. Labanan ang harassment at intimidasyon sa mga residente!” pahayag nito.

AB: Mga maralitang komunidad sa UP Diliman, mapapalayas ng UP SDG Park