Mga Mindoreño, ipinahihinto ang mapanirang dredging sa Mamburao
Nagtipon ang mga residente ng Barangay Talabaan, Mamburao, Occidental Mindoro noong Marso 23 sa isang isang prayer rally laban sa operasyong dredging ng P.E.R.R.C Construction and Development Corporation. Panawagan nila ang agad na pagtigil ng paghuhukay ng buhangin na anila’y mapanlinlang at mapanira. Isinagawa ng rally sa baybay ng barangay katapat sa barkong pang-dredging ng kumpanya.
Ayon sa Mindoro Forum Network (MFN), sinimulan ng kumpanya ang dredging sa tabing ng “river restoration” ng Ilog ng Pagbahan. Gayunpaman, hindi nito sinunod ang itinakdang lugar ng paghuhukayan sa bukana ng ilog. Sa halip, lantaran itong naghuhukay sa tapat ng kabaryuhan. Dahil dito, hindi na makapaglaot ang mga mangingisda. Wala na silang nahuhuli dulot ng ingay at ligalig na inihahatid ng halos 18 oras na paghuhukay ng barko nito.
Sangkot ang P.E.R.R.C Construction and Development Corporation sa ilang proyekto ng gubyerno, partikular sa pagtatayo ng mga daungan. Noong 2022, binigyan ito ng Environmental Compliance Certificate ng DENR para sa Pagbahan River Dredging Project sa Mamburao. Saklaw nito ang 20 ektarya sa bukana ng ilog.
Noong Pebrero 25, naglabas na ang Pamahalaang Bayan ng Mamburao ng Cease and Desist Order laban sa P.E.R.R.C. Construction And Development Corporation matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa mga residente ng Barangay Talabaan.
Ayon sa lokal na gubyerno, bagamat ligal ang operasyon ng kumpanya, maraming residente ang naghayag ng kanilang pagtutol dahil sa matinding ingay na dulot ng paghuhukay. Ang labis na ingay na lampas sa katanggap-tanggap na antas ay nagdulot ng matinding abala sa kanilang pang-araw-araw na gawain at kabuhayan. Pansamantala ring kinansela ng mayor ang business permit ng kunmpanya habang isinasagawa ang imbestigasyon at compliance review.
Panawagan ng mga Mindoreño na permanente nang ipatigil ang dredging the kumpanya at ipreserba ang karagatan, laluna ang mga bahura dito. Nanawagan rin sila sa gubyerno na ipagtanggol ang mga mangingisda at kanilang kabuhayan.
“Walang magandang idudulot ang dredging operation na ito kundi ang pagkawasak ng kapaligiran kasabay ng pagkawala ng kanilang kabuhayan,” ayon sa grupo. Binubuo ang MFN ng iba’t ibang sektor at grupo sa Mindoro.