Malawak na alyansang anti-chacha, magpoprotesta sa ika-38 anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagtipon kahapon, Pebrero 15, ang mga organisasyon at indibidwal sa ilalim ng No to Chacha Network para ipahayag ang plano nitong magsagawa ng malawak at malaking rali sa ika-38 anibersaryo ng EDSA Uprising sa Pebrero 25. Hinikayat nila ang mamamayang Pilipino na maglunsad ng pagkilos saan man sa Pilipias sa Pebrero 25. Sa Maynila, magtitipon ang mga grupo at indibidwal sa harap ng EDSA Shrine.

“Tatlumpu’t walong taon na ang nakararaan nang lumundo sa 4-araw ang pakikibaka ng mamamayan para sa kalayaan, hustisya at demokrasya sa pag-aalsa sa EDSA na nagpatalsik sa korap at brutal na diktadurang Marcos,” pagbubukas sa pahayag nilang People’s Unity to Defeat Chacha. Anang samahan, isa sa mga tagumpay ng pag-aalsang ito ang Konstitusyong 1987, na nagbawal sa mga dinastiyang pulitikal, nagtakda ng mga limitasyon sa termino ng mga upisyal at iba pang mga pagtitiyak na mayroong “check and balance” sa estado. Tinukoy rin nito ang mga probisyon para tiyakin na ang ekonomya, lupa, likas na yaman at susing mga institusyon sa edukasyon at kulura ay mananatili sa kamay ng mga Pilipino.

Sa gayon, tutol sila sa mga pagtatangka na amyendahan ang naturang mga probisyon sa pamamagitan ng people’s initiative or constituent assembly. Anila, ang mga tangkang ito ay “di kinakailangan, mapanghati, magastos, at nakatuon pangunahin sa pagpapanatili sa pwesto ng mga nasa poder.”

Sa halip na atupagin ang chacha, nanawagan ang mga grupo at indibidwal na pagtuunan ng mga nasa pwesto ang pagtataas ng sahod at kita, pagpapababa ng presyo ng mga bilihin at batayang yutiliti, pag-aayos ng mga serbisyong panlipunan, pagsugpo ng korapsyon at red tape, pagtataguyod sa mga karapatang-tao, hustisya at kapayapaan, pagtatanggol sa soberanya sa West Philippine Sea, pangangalaga sa kalikasan at pagtitiyak ng malinis at kapanipaniwalang eleksyon.

Idineklara ng mga grupo ang planong isasagawa ang malawak na kampanya ng impormasyon at edukasyon, ipagpatuloy ang pagbawi ng mga pirma ng mga nalinlang ng huwad na people’s initiative na pinasimulan ng mga kongresista, magsagawa ng mga protesta at magsampa ng kinaukulang mga kaso.

Dumalo sa pagtitipon ang mga pambansa-demokratikong organisasyon, mga kongresista ng blokeng Makabayan, mga myembro ng 1Sambayan, mga dating upisyal ng gubyerno, mga taong-simbahan, grupong estudyante, guro, iba pang grupo sa paggawa at marami pang iba. Naroon din sina Justice Antonio Carpio, Commissioner Rene Sarmiento, Bishop Gerardo A. Alminaza, Atty. Neri Colmenares, Sr. Mary John Mananzan, dating DSWD Sec. Judy Taguiwalo at marami pang iba.

Pinangasiwaan nina Teddy Casino, presidente ng Bagong Alyansang Makabayan at Atty. Howard Calleja ng 1Sambayan ang press conference.

Kabilang sa mga pumirma sa deklarasyon laban sa chacha ang dating senador na si Kiko Pangilinan, Atty. Lutgardo Barbo ng PDP Laban at ng upisina ni Sen. Koko Pimentel, Fr. Daniel Franklin Pilario, presidente ng Adamson University, Dr. Noel Leyco, dating presidente ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, at si Diwa Guinigundo, dating deputy governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Samantala, kabi-kabilang protesta ang inilunsad ng iba’t ibang grupong pambansa-demokratiko sa Metro Manila para tutulan ang cha-cha nitong nakaraang linggo. Sa araw ng mga puso, nagmartsa tungong Mendiola ang mga grupong magsasaka at kababaihan laban sa Rice Liberalization Law. Panawagan nila: pagkain, hindi cha-cha. Kasabay nito, naglunsad naman ng pagkilos ang mga manggagawa sa harap ng Senado, kasabay ng pagdinig sa panukalang P100 dagdag-sahod na inihain sa kapulungan. Sigaw nila: sahod, hindi chacha.

AB: Malawak na alyansang anti-chacha, magpoprotesta sa ika-38 anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA