Mga manggagawa, kinontra ang chacha ng Senado

, ,

Kasama sa mga nagprotesta laban sa pakanang charter change sa harap ng Senado kahapon, Enero 5, ang mga manggagawa sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU). Itinaon ang pagkilos sa pagdinig sa Resolution of Both Houses No. 6 na naglalayong baguhin ang mga probisyon sa ekonomya ng Konstitusyong 1987.

“Dismayado ang mga manggagawa sa buong bansa sa pagmamadali ng administrasyong Marcos Jr. na baguhin ang saligang batas habang makupad ito sa pagtataas ng sahod ng mga manggagawa,” pahayag ng KMU. Binweltahan din ng KMU si Senate President Juan Miguel Zubiri, na pasimuno ng nabanggit na resolusyon.

“Noong nakaraang taon, ang palaging sinasabi ni Senator Zubiri ay deserve ng manggagawa ng wage increase. Pangako pa niya, pamaskong handog raw ng mga mambabatas ang P100 wage hike,” ayon kay Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng KMU. “Nagbago lang ang taon, nagbago na rin ang sayaw ni Mr Zubiri. Pang-uto lang ba sa manggagawa ang pangakong ginhawa?”

Batid ng mga manggagawa na si Ferdinand Marcos Jr mismo ang arkitekto sa mga tangkang baguhin ang konstitusyon para ibuyangyang ang ekonomya sa pandarambong ng mga dayuhang kumpanya. Naniniwala rin silang hindi titigil si Marcos sa pagbabago ng mga probisyonng pang-ekonomya, at isasagad niya ang chacha para palawigin ang sarili sa pwesto.

“‘Yang si BBM, nanliligaw sa mga dayuhan. Ang hanap niyan, kikbak mula sa mga pledges at pamumuhunan na hangin hanggang ngayon,” ayon kay Adonis. “Bubuksan na lang niya ang likas-yaman at labor force natin matiyak lang na makaka-stay sila sa kapangyarihan at makakubra muli sa kaban ng bayan.”

Nanawagan siya sa kapwa manggagawa na iparinig ang kani-kanilang boses laban sa makasariling mga hakbang ng mga nasa estado poder.

“Mga kababayan, ka-manggagawa, sobrang busy ng mga tinaguriang lider ng bansa sa kakaprotekta sa kani-kanilang interes, habang tayo nagugutom. Ang taas ng presyo ng bilihin, kuryente, tubig, pamasahe—lahat na—pero sila abala sa pagkauhaw nila sa kapangyarihan. Marapat lamang na magpadagundong tayo ng mga protesta nang malaman nilang di natin papayagan ang ganyang kagarapalan.” aniya.

AB: Mga manggagawa, kinontra ang chacha ng Senado