Mga kabataan, kumilos para sa edukasyon, kabuhayan, at kasarinlan

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Naglunsad ng protesta ang kabataan at mga estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad at komunidad sa Metro Manila noong Abril 22 dala ang kanilang mga panawagan kaugnay ng edukasyon, kabuhayan, at kasarinlan. Magmamartsa sana sila tungong Mendiola ngunit hinarang sila ng mga pulis sa Morayta pa lamang. Pinangunahan ang pagkilos ng mga kabataan ng Anakbayan at League of Filipino Students (LFS).

Inirehistro ng mga raliyista ang kanilang pagtutol sa napipintong pagtataas ng matrikula at iba pang mga bayarin sa pribadong mga unibersidad at pamantasan sa bansa, kasunod ng panukala sa Commission on Higher Education para itaas ang mga singilin. Giit nila, dapat tugunan ng rehimeng Marcos ang kahingian ng mga kabataan para sa libre o abot-kayang edukasyon.

Binatikos din nila ang tuluy-tuloy na pagsikil ng estado sa pagtindig ng kabataan para sa kanilang demokratikong mga karapatan. Pagyurak ang mga paniniil nito sa kalayaang pang-akademiko ng mga estudyante sa loob ng mga unibersidad at pamantasan.

“Kaysa tugunan ang mga hinaing ng kabataan…mas pinapanguna pa [ng rehimen] ang pagpapakatuta sa mga dayuhang interes,” pahayag ng Kabataan Partylist. Nakikita umano ito sa pagpapapasok sa mga tropang Amerikano sa bansa para sa mga war games at pagraratsada sa charter change upang ilako nang buong-buo sa mga dayuhan ang Pilipinas. Panawagan nilang ibasura ang pakanang chacha ng rehimen.

Kinundena ng kabataan ang inilulunsad sa bansa na Balikatan Exercises 2024 ng US katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP). Ang kilos protesta ng mga kabataan ay nakataon sa mismong araw na nagsimula ang mga pagsasanay sa gera.

“Ang panawagan ng mga [kabataan] ay ipagtanggol ang ating pambansang soberanya pero walang ibang ginawa si Marcos Jr kundi kaladkarin tayo sa kapahamakan. Walang ibang inisip kundi kung paano niya susundin ang amo niya na US kahit pa kapalit ay buhay ng sambayanang Pilipino,” ayon kay Elle Buntag, pambansang tagapangulo ng LFS. Nanawagan siya sa mga kapwa kabataan na patampukin ang panawagan na ayaw nating maipit tayo sa gerang wala tayong kinalaman.

AB: Mga kabataan, kumilos para sa edukasyon, kabuhayan, at kasarinlan