Mga obispo sa Mindanao, nananawagang ikansela ang permit sa pagmimina sa Tampakan

,

Apat na obispo sa Mindanao ang nanawagan para sa lubusang pagbabasura sa kasunduang nagpapahintulot sa Sagittarius Mines Incorporated (SMI) na minahin ang Tampakan copper-gold site sa Tampakan, South Cotabato. Isinumite ng mga obispo ang kanilang apela sa Presidential Action Center noong Oktubre 11. Isusumite rin nila ito sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Pumirma sa apela sina Bishop Cerilo Casicas, Diocese ng Marbel; Archbishop Angelito Lampon, Archdiocese ng Cotabato; Bishop Jose Colin Bagaforo, Diocese ng Kidapawan; at Bishop Guillermo Afable, Diocese ng Digos. Kinakatawan nila ang mga bayan at komunidad na apektado ng naturang proyekto.

Anila, ang ipinagkaloob ng Mines and Geosciences Bureau ng DENR na 12-taon ekstensyon sa Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) ng kumpanya ay labag sa konstitusyon at dapat bawiin. Ang naturang pagpapalawig ay inaprubahan ng MGB noong 2016.

Katuwang ang mga abugado mula sa Legal Rights and Natural Resources Center, iginiit ng mga obispo na wala sa katayuan ang MGB na mag-apruba ng pagpapalawig, lalupa’t napakalawak ng pinsalang idudulot ng proyekto sa mga lugar na kritikal sa kalikasan. Anila, dapat dumaan muli sa proseso ng konsultasyon, pagtatasa sa epekto sa kalikasan at iba pang regulasyon bago ito binigyan ng panibagong permit.

Sa kasalukuyan, nananatili ang resolusyon ng lokal na gubyerno sa South Cotabato laban sa open pit mining, ang paraan ng pagmimina ng SMI. Patuloy ding tinututulan ng maraming residente laluna sa Marbel ang proyekto.

Saklaw ng FTAA ng SMI ang apat na munisipalidad at siyam na barangay at may lawak na 10,000 ektarya. Inianunsyo ng kumpanya noong Abril na magsisimula ang pagmimina nito sa lugar sa 2026.

AB: Mga obispo sa Mindanao, nananawagang ikansela ang permit sa pagmimina sa Tampakan