Balita

Mga obispo sa Palawan, nanawagang ipagbawal ang pagmimina sa isla sa susunod na 25 taon

, ,

Nanawagan ang kasalukuyan at retiradong mga obispo sa Palawan sa reaksyunaryong estado na ipagbawal ang pagmimina sa isla sa loob ng 25 taon para hindi makalbo ang mga gubat at masira nang tuluyan ang kalikasan sa lugar.

Nagbabala ang Simbahang Katolika na lubos nang napinsala ang kagubatan sa isla dahil sa pagpapahintulot ng malawakang pagtotroso sa nakaraang mga dekada. Lalo pang lalala ang kalagayan ng kagubatan kung patuloy na pahihintulutan ang malakihan at mapangwasak na pagmimina sa lugar.

Isa sa tinukoy ng mga obispo ang pagpapahintulot mismo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa isang kumpanya sa pagmimina na magputol ng 27,929 kahoy noong 2016. Humihingi ito ngayon ng pahintulot na magputol ng dagdag na 8,000 kahoy ngayong taon. Kasabay nito, pinahintulutan din ng DENR ang isa pang kumpanya na magputol ng 52,000 puno para sa pagmimina ng nickel.

Ayon pa sa mga obispo, mayroong 67 mining exploration application na nakaambang igawad na sasaklaw sa 200,000 ektarya sa Coron, Taytay at Araceli. Sa ngayon, may 11 kasunduan o lisensya sa pagmimina na sumasaklaw ng 29,000 ektaryang lupa sa Palawan. Sinakop ng mga lisensya ito maging ang mga protektadong erya at watershed.

Kasabay ang pagpataw ng moratoryun, panawagan ng simbahan na singilin ang nag-ooperasyong mga kumpanya sa mina sa idinulot nilang pinsala sa isla. Sa ngayon, wala pang 25% sa 3,000 ektaryang namina sa mga bayan ng Narra, Sofronio Española, Brooke’s Point at ibang lugar ang isinailalim sa rehabilitasyon ng mga kumpanya.

Panawagan nila sa lokal na gubyerno ng Palawan na maglabas ng resolusyon para itigil ang pagmimina sa isla sa susunod na 25 taon. Ito ang panawagan ng kalikasan, mga magsasaka, mangingida at katutubo na napipinsala ng pagmimina, anila.

AB: Mga obispo sa Palawan, nanawagang ipagbawal ang pagmimina sa isla sa susunod na 25 taon