Mga pagngawa ni Duterte sa Senado, lalong nagpapatibay sa kaso laban sa kanya sa ICC
Lalong pinagtibay ng mga pagngawa ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig sa Senado ang kasong nakasampa sa kanya sa International Criminal Court. Kasalukuyang nahaharap si Duterte at kanyang mga kasapakat sa kasong krimen laban sa sangkatauhan kaugnay sa malawakang pamamaslang sa tabing ng “gera kontra-droga” bago at habang nagsilbi siyang presidente ng Pilipinas. Nakaupo bilang mga “imbestigador” sa naturang pagdinig ang dalawang senador na sina Bato de la Rosa at Bong Go na kasama sa kinasuhan.
Sa loob ng ilang oras kahapon, Oktubre 28, binigyang-laya ng Senado si Duterte na ulit-ulitin ang dati niyang mga buladas kaugnay sa “gera” na pumatay ng umaabot sa 30,000 indibibwal. Dito, inako niya ang “ligal at moral na pananagutan” sa madugong kampanya at matigas na nagsabing wala siyang pagsisi at walang ibibigay na pagdadahilan. Binalaan pa niya ang mga senador na “huwag kwestyunin” ang kanyang mga patakaran. Maraming inamin na krimen si Duterte, na dinadaan niya sa mga biro o sa pabalbal na pananalita. Kabilang dito ang pagkakaroon niya diumano ng 7-kataong death squad sa Davao at pag-uutos sa mga pulis na udyukin ang mga suspek na manlaban para tuluyan silang paslangin. Magkakasalungat ang marami sa kanyang mga pahayag, laluna sa harap ng iilang tanong ng mga senador.
Ang pagdinig ay nagsilbing entablado ni Duterte para birahin ang mga testimonya laban sa kanya na una nang naungkat sa Kongreso. Isa rito ang testimonya ni Royima Garma na nagbunyag ng sistema ng paggantimpala ni Duterte sa mga pulis sa kada pinaslang nilang suspek. Sa lahat ng ito, mariin siyang denipensahan ni De la Rosa, isa sa pangunahing nagtaguyod sa huwad at madugong kampanya. Inatake rin ni De la Rosa ang mga inimbitahang “resource speaker” na nagpatunay sa brutal at iligal na pamamaslang ng nagdaang rehimen.
“Pakitang-gilas o palabas?” ang tanong ng Rise UP for Life and Rights, ang organisasyon ng mga biktima ng huwad na gera at ng kanilang mga abugado sa National Union of People’s Lawyers kaugnay sa pagdinig.
“Nanghihilakbot kami na naging plataporma lamang ng mga sangkot at akusado ang imbestigasyon ng Senado,” pahayag ng dalawang grupo. Anila, naging kwestyunable ang independensya at epektibidad ng imbestigasyon sa Senado sa unang araw pa lamang ng pagdinig. Pangamba nilang gagamitin lamang ito para itanggi ang buong madugong “gera.” Tinawag din nilang walang delikadesa sina Go at De la Rosa sa pagtanggi ng mga ito na mag-inhibit sa pagdinig.
Para kay Tinay Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan, walang bago sa mga sinabi ni Duterte sa Senado. “Naging sirkus lamang ang pagdinig,” aniya. “Mukhang ang layunin lamang…ay pahupain ang mga pasabog na naungkat sa House of Representatives, na kung hahayaang humantong sa lohikal nitong kongklusyon ay maaring umigkas sa rehimeng Marcos Jr.”
Paliwanag ni Palabay, walang binago si Marcos Jr sa madugong mga kampanya at sistemang “hit list” ni Duterte. Nananatiling madugo ang “gera kontra-droga” alinsunod sa pagmonitor ng DahasPH. Noon hanggang ngayon, ginagamit ng estado ang ekstra-hudisyal na pamamaslang bilang sandata para gapiin ang malawakang paglaban at maghasik ng teror, aniya.
Habang isinasagawa ang pagdinig, nagprotesta ang iba’t ibang mga organisasyon, kasama ang mga pamilya ng mga biktima ng “gera kontra-droga” sa labas ng Senado.