Mga patriyotikong grupo, nagprotesta sa US Embassy kontra base militar ng US sa Pilipinas
Ginunita ng mga patriyotikong grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang ika-34 na anibersaryo ng makasaysayang pagpapalayas ng mga base militar ng US sa Pilipinas noong Setyembre 16. Nagprotesta sila sa harap ng US Embassy sa Pasay City para batikusin ang tumitinding presensya ngayon ng mga tropang Amerikano, mga armas pandigma, war games at base militar ng US sa teritoryo ng Pilipinas.
Noong Setyembre 16, 1991, higit 170,000 patriyotikong mga Pilipino ang nagtipon sa harap ng Senado, noo’y sa Maynila pa, para ipanawagan ang pagbasura sa pagpapalawig ng RP-US Military Bases Agreement. Bumoto ang 12 senador pabor sa pagbabasura sa naturang kasunduan.
“Isa itong makasaysayang tagumpay na pinanday ng kolektibong pakikibaka laban sa dayuhang dominasyon,” pahayag ng Bayan. Ayon pa sa grupo, winakasan ng tagumpay na iyon ang deka-dekadang malayang paglalabas-masok ng militar ng US sa Pilipinas na yumurak sa pambansang soberanya.
“Kumakaharap ngayon ang bansa sa nakababahalang pagbaligtad sa naging tagumpay na ito,” ayon sa Bayan. Sa sumunod na mga taon at rehimeng patuloy na nagpakatuta sa imperyalismong US, binuo ang iba’t ibang kasunduan at ligal na batayan ng muling pagpasok ng tropang militar ng US sa Pilipinas.
Kabilang dito ang Visiting Forces Agreement (VFA) na pinirmahan noong 1998, ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) noong 2014 at karagdagang mga base militar sa ilalim nito sa panahon ng rehimeng Marcos. Pinapasok rin ng rehimeng Marcos sa teritoryo ang iba pang dayuhang mga tropa tulad ng Japan, Australia, at iba pa, sa utos ng among imperyalistang US.
“Kinunkundena namin ang muling pananakop ng US sa ating mga teritoryo at nananawagan na kagyat nang wakasan ang lahat ng mga patakarang nagpapailalim sa ating mga pambansang interes sa adyenda ng panggegera ng Washington,” pahayag ng Bayan.
Ang umiigting na presensyang militar ng US at mga alyado nitong bansa sa Pilipinas ay higit ring nagpapainit sa tensyon at gitgitan nito sa katunggaling imperyalistang China. Inilalagay nito sa panganib ang bansa at mga Pilipino.
“Ang pagpapaalipin ito ay sumasalungat din sa internasyunal na mga batas at sa UN Charter, na nagtitiyak sa sariling pagpapasya ng mga mamamayan at hindi pakikialam sa mga usapin ng mga soberanong estado,” ayon sa Bayan.
Anang grupo, dapat tuluy-tuloy na batikusin ang presensya ng tropang militar ng US sa bansa at idiin na “ang imperyalismo ang ugat, ang korupsyon ang bunga, at ang pagyurak sa soberanya ang resulta.”
Kabilang sa mga lumahok sa protesta sa US Embassy ang League of Filipino Students. Ayon sa grupo, bilang nakababatang henerasyon ay kinakailangang gamitin nito ang kanilang kakayahan at enerhiya para ilantad ang tunay na kulay ng imperyalismo sa bansa bilang ugat ng karahasan, kahirapan at pang-aami sa mga Pilipino.
Nanawagan ang grupo sa mga kapwa kabataang Pilipino na palakasin ang kanilang anti-imperyalistang pakikibaka.