Mga pekeng party-list na kumakatawan sa mga magbubukid, inilantad at binatikos
Ilang araw bago ang halalan, inilantad at binatikos ng Tanggol Magsasaka ang mga grupong party-list na tumatakbo para katawanin ang mga magsasaka sa kongreso. Ayon sa grupo, dapat magbantay ang mga magsasaka at Pilipino sa paglipana ng mga party-list na pinatatakbo ng mga naghaharing dinastiya at kontra-magsasaka.
Pinuna ng grupo ang kalakarang ito at tinawag na “nakababahalang padron” kung saan ang mga pangkating pampulitika, negosyante, at bantog na lumalabag sa karapatang-tao ay nagkukunwaring mga tagapagtaguyod ng mga magsasaka para manipulahin ang sentimyento ng publiko at tiyakin ang pwesto sa Kongreso.
Anang grupo, ang sistematikong panlilinlang na ito sa panahon ng eleksyon ay pagtataksil sa prubisyon ng konstitusyon para sa eleksyong party-list.
Sa datos ng Kontra-Daya, 55.1% o 86 sa 156 nagrehistrong partido para sa eleksyong party-list ay mga partido ng mga dinastiyang pulitikal, malalaking negosyo at militar o pulis; nahaharap sa mga kaso ng korapsyon, may di mapagkakatiwalaang adbokasiya o di kaya’y walang isinasapublikong sapat na impormasyon. Kabilang dito ang apat sa 10 nagpapakilalang “maka-magsasakang” party-list.
“Hindi lamang ito pandaraya sa eleksyon. Ito ay pagnanakaw ng pulitikal na pagkakakilanlan sa pambansang saklaw,” pahayag ni Ronnie Manalo, tagapagsalita ng Tanggol Magsasaka.
Aniya, “kapag ang mga dinastiya at panginoong maylupa ay nagpapanggap na mga tagapagtanggol ng mga sektor sa kanayunan, ninanakawawn nila ang mga magsasaka hindi lamang ng kanilang boto, kundi pati na rin ng kanilang karapat-dapat na tinig sa paghubog ng mga patakaran—na nagpapatuloy ng siklo ng pang-aapi at pagsasantabi.”
Kabilang sa mga party-list na nagpapanggap na maka-magsasaka ang Magsasaka Party-list na nahaharap sa maraming anomalya at kwestyunableng mga nominado kabilang si dating PNP Chief Debold Sinas na nauugnay sa pagmasaker sa mga magsasaka. Kasama rin sa listahan ng grupo ang Agri Party-list na pinaghaharian ng pamilyang Lee na nagmamay-ari sa LKY Group of Companies at may mga kaso ng pangangamkam ng lupa. Dagdag dito ang partidong Agri at Abono.
“Sa bawat siklo ng eleksyon, ang mga magsasaka—ang gulugod ng ating bansa at ang pinakamahihirap…ay nililinlang ng mga…nagkukunwaring magsasaka,” dagdag ni Manalo. Hindi umano naiiba ang eleksyong 2025 na sinabi niyang mas malala pa.
Nanawagan ang Tanggol Magsasaka sa lahat ng botante, lalo na sa mga nasa kanayunan, na maging mapagbantay, mapanuri, at magkaisa, at tanggihan ang mga party-list at kandidato na ginagamit ang pangalan ng mga magsasaka para sa pansariling kapakinabangan at pampulitikang interes. “Kung nais natin ng tunay na pagbabago, dapat tiyakin nating ang mga tunay na magsasaka at tagapagtanggol―hindi ang mga panginoong maylupa at heneral—ang magsalita para sa mga magsasaka sa Kongreso,” ayon kay Manalo.