Balita

Mga Pilipinong aktibista sa Australia, nakiisa sa mga pagkilos para sa karapatan ng mga migrante at kalayaan para sa Palestine

,

Nakiisa ang mga myembro ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Australia, Migrante Australia, Anakbayan-Australia at Anakbayan-Melbourne sa pagkilos para sa kalayaan ng Palestine noong Agosto 31 sa mga syudad ng Sydney at Melbourne. Ang mga protesta ay bahagi ng pakikiisa sa lahat ng migrante, refugee at mamamayang First Nation (mga katutubo sa bansa) sa buong bansa.

Nagsilbi ring kontra-protesta ang mga pagkilos sa “March for Australia,” isang kontra-migranteng mobilisasyon ng mga neo-nazi, rasista, ultra-kanan at ekstremistang grupo, na inilunsad sa iba’t ibang panig ng Australia sa parehong araw. Sa kanilang “protesta” isinisi nila sa mga migrante ang nagaganap na krisis sa pabahay at imprastraktura sa bansa, sa halip na sa deka-dekadang neoliberal na polisiya at pribatisasyon sa Australia.

Ayon sa Migrante-Australia, ang kontra-migranteng “protesta” sa Australia ay manipestasyon ng tumitindi at lumalaganap na kilusan ng mga “global white supremist” (mga rasista na naniniwala na ang puting lahi ang pinakasuperyor sa lahat) sa US, Japan at Europe. Habang umiigting ang pandaigdigang krisis sa ekonomya, ginagamit ng mga kilusang ito ang mga migrante bilang panakip butas sa mga isyu tulad ng pabahay at kawalan ng trabaho.

“Habang nakararanas ng diskriminasyon ang mga Pilipino, tanging “mag-ingat” lamang ang ipinaaabot ng gubyerno ng Pilipinas sa halip na kumilos para protektahan ang aming kaligtasan at karapatan. Nakikinabang ang gubyerno sa lakas paggawa ng mga Pilpino ngunit umaatras ito sa pinakabatayang responsibilidad-ang alagaan ang kanyang mamamayan,” pahayag ng Migrante-Australia.

Sa pagkilos sa Melbourne, marahas na inatake ng mga anti-imigranteng grupo ang mga raliyista mula sa First Nation (katutubo sa Australia) at maka-Palestine ng mamamayan na nagresulta sa pagkasugat ng ilan sa kanila.

Nananawagan ang Bayan Australia sa lahat ng Pilipino na mag-organisa at ipagtanggol ang kanilang komunidad, at tumindig kasama ang mamamayang First Nation sa kanilang laban mula sa pagpapalayas at pangangamkam ng mga kapitalista sa kanilang lupa.

“Nananawagan kami sa gubyerno ng Pilipinas na gampanan nito ang kanilang tungkulin na protektahan ang kanilang mamamayan sa ibayong dagat habang tumitindi ang karahasan at rasismo laban sa mga migrante,” pahayag ng Bayan-Australia.

AB: Mga Pilipinong aktibista sa Australia, nakiisa sa mga pagkilos para sa karapatan ng mga migrante at kalayaan para sa Palestine