Mga Pilipinong manggagawa, magsasaka at maralita, nakiisa sa mamamayang Venezuelan laban sa imperyalismong US
Mahigpit na nakiisa ang mga Pilipinong manggagawa, magsasaka at maralita sa mamamayang Venezuelan matapos salakayin ng US ang bansa at dukutin ang presidente nito na si Nicolas Maduro at kanyang asawa na si Cilia Flores noong Enero 3. Nagtungo sila sa embahada ng US sa Maynila noong Enero 5 dala-dala ang mga panawagang “US, hands off Venezuela!,” Imperyalismo, ibagsak!” at iba pa. Nagsunog sila ng bandila ng US sa harap ng embahada at nanawagan sa lahat ng Pilipinong nagmamahal sa demokrasya at kalayaan na tumindig kasama ang mamamayang Venezuelan.
“Malinaw sa manggagawang Pilipino na pawang kabulastugan ang ‘gera kontra-droga’ ni Trump,” pahayag ng Kilusang Mayo Uno. “Parehong taktika ito ng Estados Unidos sa panlulusob sa marami pang bayan sa Asya at Middle East sa kung anu-anong imbentong kadahilanan, tulad na lamang ng panghihimasok nito sa Pilipinas sa tabing naman ng ‘pagsugpo sa terorismo’ at “paghahatid ng kapayapaan.”
Pinagpupugayan ng KMU ang mamamayan ng Venezuela sa kanilang “tapang at determinasyon na labanan ang dayuhang mananakop.”
“Tumitindig ang mga magsasakang Pilipino (sa mamamayang Venezuelan) lalo’y ang mga atake (sa Venezuela) ay kapareho sa karahasang suportado ng US laban sa amin, at sa lahat ng mga lumalaban sa neoliberal na pandarambong…,” ayon naman sa Kilusang Magbubukid sa Pilipinas. Nakiisa ang KMP sa laban ng mga Venezuelan para sa kanilang soberanya na ligtas sa pamimilit ng dayuhan.
“Bilang mga maralitang lungsod, malinaw sa amin ang ugat ng pag-atake sa Venezuela. Hindi ito usapin ng demokrasya, kundi ng ganid na paghahangad ng imperyalistang Estados Unidos na kontrolin ang likas-yaman at ekonomya ng bansa,” pahayag naman ng Kadamay. Anito, ito rin ang parehong sistemang patuloy na naglulubog sa mamamayang Pilipino sa kahirapan.
“Mula Pilipinas hanggang Venezuela, iisa ang banta ng imperyalismo sa buhay, kabuhayan, at dignidad ng mamamayan!” anito.
Ang nangyayari sa Venezuela ay muling nagpapatampok sa tunay na katangian ng imperyalismong US bilang “nangungunang pinagmulan ng gera, kawalang istablidad at panunupil sa mundo,” ayon sa Bagong Alyansang Makabayan.
Ang pananalakay ay isa ring matingkad na paalala sa mamamayang Pilipino sa mahaba at madugong rekord ng US bilang kriminal sa digma.
“Dapat kagyat na alisin ang lahat ng mga base at pasilidad militar ng US sa Pilipinas,” ayon sa Bayan. “Ang presensya ng mga tropa, pasilidad at kasunduan sa US… ay nagpapalakas lamang sa kakayahan ng US na maglunsad ng mga gerang agresyon at nagkakaladkad sa Pilipinas sa mas malalim na imperyalistang sigalot.”
Ang pambobomba ng US sa Venezuela ay nagresulta sa pagkamatay ng higit 100 katao, malawakang pagkaputol ng serbisyo ng kuryente at pagkaputol ng sistema sa komunikasyon.