Mga pribadong unibersidad, nakibahagi sa kilusang walkout kontra korapsyon
Libu-libong mga estudyante mula sa mga pribadong unibersidad sa Metro Manila at ibang syudad ang lumahok sa kilusang walkout laban sa korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos sa nagdaang mga linggo. Kabilang sa mga demonstrasyong ito ang isinagawa sa University of Sto. Tomas (UST), Far Eastern University (FEU), Ateneo de Manila University (ADMU), at iba pa.
Sa UST, higit 1,500 estudyante, mga guro, kawani at mga taong-simbahan ang nagwalk-out at nagmartsa sa kampus nito sa Maynila noong Setyembre 29 ng hapon. Ipinatawag at pinangunahan ng UST Central Student Council (CSC) ang pagkilos ng mga Tomasino. Nailusad ang huling walkout at malawakang protesta sa UST noon pang 2001 sa isyu ng pagbatikos sa pasistang Mandatory Reserve Officers’ Training Corps at pagkamatay ng kapwa estudyante dahil dito.
Malawakan itong sinuportahan ng mga konseho ng mag-aaral sa mga kolehiyo at senior hayskul, at ng mga organisasyon ng mga estudyante. Nagpahayag rin ng suporta sa protesta ang Organisasyon ng Nagkakaisang Empleyado ng UST (ONE UST).
Ang mga taga-UST ay karaniwang biktima ng malalim na mga pagbaha dulot ng bulok na mga proyektong flood control, na sentro ngayon ng katiwalian.
Ayon sa UST CSC, ang laban kontra korapsyon ay hindi na makapaghihintay. “Ang pagkakataong ito ay hindi lamang bahagi ng ating paglalakbay, kundi ito ay panawagan ng ating konsensya, isang pagkakataon na malakas at malinaw tayong manindigan para sa katotohanan, hustisya at tunay na pagbabago,” pahayag n konseho.
Dagdag pa ng konseho, ang walkout na inilunsad ng mga estudyante ay lagpas pa sa simpleng paglisan sa mga klasrum kundi isang deklarasyon na hindi na sila mananahimik pa. “Ang bawat hakbang ay pakikiisa sa sigaw ng ating mamamayan, nananawagan na dinggin ang boses ng nakararami,” anito.
Kabilang ang mga progresibong grupo sa loob ng UST sa mga nanguna sa walkout. Ayon sa Anakbayan-UST, maksaysayang maituturing ang malawakang paglahok ng mga estudyante sa demonstrasyon. Natapos man ang pagkilos, idiniin ng grupo na nananatili ang hamon at panawagan sa mga estudyante: “Makabayang Tomasino, hindi pa tapos ang laban! Panagutin ang lahat ng korap, starting from the top!”
Liban dito, ipinanawagan ng grupo ang pakikiisa sa mga pinatay, inaresto at dinahas ng mga pulis sa pagkilos sa Mendiola noong Setyembre 21.
Sa kampus ng FEU sa Morayta, higit-kumulang 1,000 indibidwal ang lumahok sa walkout noong umaga ng Setyembre 29. Sa pangunguna ng mga progresibong grupo sa kampus at ng FEU Central Student Organization (FEUCSO), umani ng malawak na suporta ang demonstrasyon.
Ayon sa konseho, huling nakapaglunsad ng malaking walkout ang mga Tamaraw (katawagan sa mga estudyante ng FEU) noong dekada 1990. “Ang huling beses na nagwalkout ang mga estudyante ng FEU ay noong ’90s. Unang pagkakataon ito na nagtangka ang henerasyon namin na ilunsad itong walkout,” pahayag ni FEUCSO President Raezon Gonzales sa panayam ng Manila Today.
Liban sa isyu ng korapsyon, ikinampanya rin ng konseho at mga progresibong grupo ang lokal na mga isyu na kinahaharap sa kampus. Kabilang dito ang pagtutulak na ibalik ang ganap na harapang klase (face-to-face) at pagtataas ng mga bayarin sa kampus.
SA ADMU, higit 2,000 indibidwal ang lumahok sa walkout at protesta na inilunsad sa kampus nito sa Quezon City noong Setyembre 19. Kabilang sa mga lumahok at nagpakilos sa protesta ang League of Filipino Students (LFS)-Katipunan, Kabataan Partylist-Katipunan, grupong One Big Fight for Human Rights and Democracy (OBFHRD), mga konseho ng mag-aaral at iba pa.
“Hindi dapat na natatapos dito ang laban natin bilang Atenista ngunit dapat maging mitsa sa paglunsod ng mas malakas at mas radikal na pananawagan sa pambansang demokrasya,” pahayag ng LFS-Katipunan. Ayon sa grupo, karapat-dapat na mapatalsik ang mga mandarambong na umuupo sa gobyerno at dapat buwagin ang sistemang patuloy na nang-aabuso at nang-aapi sa mga Pilipino.
“Sa harap ng malawakang pagnanakaw at organisadong krimen ng korapsyon, tayo rin ay dapat mag-organisa, mag-aral, at matuto mula sa mga pakikibaka ng mga taong pinakaapektado ng sistematikong pandarambong,” ayon sa OBFHRD.
Noong Setyembre 23, kumilos rin ang isa pang kampus ng Ateneo na Ateneo de Davao University. Humigit-kumulang 1,000 estudyante, mga guro at kawani ng AdDU ang lumahok sa walkout na ipinatawag ng Samahan ng mga Mag-aaral ng Pamantasang Ateneo de Davao at iba pang mga organisasyon at upisina ng unibersidad. Nakiisa sa protesta ang grupong Blue Knights for Human Rights (BKHR).
Sa Baguio City, nag-walkout ang daan-daang estudyante ng Saint Louis University (SLU) noong Setyembre 20. Pinangunahan ang pagkilos ng mga progresibong organisasyon at alyansa sa kampus. Nanawagan sila ng pananagutan sa rehimeng Marcos sa harap ng mga katiwaliang nalalantad, at pagpapanagot rin sa mga Duterte para sa mga krimen nila sa mamamayan.
Ipinanawagan rin ng mga grupo sa protesta ang pagtugon ng administrasyon ng SLU sa usapin ng Tuition and Other Fees Increase (TOFI) at mga kahirapan sa pag-eenrol. Ayon kay Ralph Lauren Lagamia, tagapangulo ng DASIG at myembro ng Walang Iwanan Louisian Network, ang pagdalo ng daan-daan sa protesta ay “manipestasyon na sobra na talaga, kailangan nang kumilos laban sa kung ano mang anomalya ang nangyayari ngayon.”
“Ang mga estudyante mula sa campus natin ay [nagpapakita ng] solidarity sa pagwa-walkout mula sa kanilang mga klase. Marami po sa atin ay may mga quizzes pa pero naki-walk out po sila. Mayroon din pong mga professors na nag-encourage sa students na makidalo sa walkout,” pahayag pa ni Lagamia.
Iba’t ibang tipo ng mga pagkilos, protesta at aktibidad rin ang inilunsad ng mga grupo at estudyante sa nagdaang mga linggo sa Adamson University, De La Salle University, College of St. Benilde, sa St. Scholastica’s College Manila at St. Paul University Manila sa ilalim ng One Taft Alliance, sa Our Lady of Fatima University-Antipolo, University of San Carlos sa Cebu, sa Xavier University at iba pang pribadong eskwelahan at unibersidad.
Samantala, malawakan din ang walkout kontra korapsyon ang isinagawa ng mga estudyante sa mga state universities and colleges at iba pang pampublikong mga unibersidad sa Pilipinas. Kabilang dito ang University of the Philippines, Polytechnic University of the Philippines, Bulacan State University, Tarlac State University, Cavite State University, Southern Luzon State University, Bicol University, Leyte Normal University, Visayas State University, Davao Oriental State University, Mindanao State University at iba pa.