Mga protesta kontra ASEAN Summit at pagdating ni Marcos sa Australia, inilunsad

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Magkakasunod na protesta ang inilunsad ng mga migranteng Pilipino at progresibong grupo sa Melbourne, Australia kahapon, Marso 4, kasabay ng pagdating ni Ferdinand Marcos Jr para sa isinasagawang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-Australia Special Summit mula Marso 4 hanggang Marso 6. Sa pamumuno ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Australia, hinalihaw ng mga protesta ang ASEAN Summit at ang mga aktibidad ni Marcos.

Nagsagawa ng programa ang mga grupo sa Melbourne Convention and Exhibition Centre kung saan inilulunsad ang ASEAN Summit. Binatikos ng mga grupong Pilipino ang ayuda at suportang militar ng imperyalistang US at ng Australia sa rehimeng Marcos na nagdudulot ng patung-patong na paglabag sa karapatang-tao sa bansa. Liban dito, nagbigay din ng talumpati ang mga mamamayan mula sa Palestine, West Papua, Hong Kong, at Myanmar. Itinurol nila ang galit sa mga lider ng ASEAN sa tinatawag nilang “complicity” o pagiging kasangkot sa mga krimen sa digma at mga gerang inudyukan ng US.

Sa programa, nagtanghal ang mga kabataang kasapi ng Anakbayan-Melbourne. Bitbit nila ang isang itim na kabaong na gawa sa karton na may nakasulat na “RIP Democracy” na simbolo ng pagkamatay ng demokrasya sa ilalim ng rehimeng US-Marcos. Nagdala rin sila ng isang effigy ng ulo ni Marcos na mayroong mahabang dila na pinintahan ng bandila ng US. Pinagpapalo ito ng mga kabataan sa pagtatapos ng kanilang kultural na pagtatanghal.

Kasabay nito, isang protesta rin ang inilunsad ng mga Pilipino sa State Library sa Melbourne CBD kung saan nagsagawa ng press conference si Marcos. Hinarang sila ng mga pulis para makatakas si Marcos sa kabilang labasan ng gusali.

Ang dalawang delegasyon ay kasunod na nagmartsa at tumungo sa Melbourne Town Hall kung saan nakipagsosyalan si Marcos at kumain ng grandyosong hapunan. Sinugod ng mga tauhan ni Marcos at pribadong mga pwersang panseguridad na Australian ang mga nagrarali. Dalawa sa mga nagpoprotesta ang nagkaroon ng pasa dahil sa pakikipaggitgitan.

“Kinukundena namin ang paggamit ng pasismo ng pribadong seguridad ni Marcos at ang taktika ng intimidasyon ng pulis ng Victoria,” ayon sa Bayan-Australia.

AB: Mga protesta kontra ASEAN Summit at pagdating ni Marcos sa Australia, inilunsad