Mga residente sa Mankayan, Benguet, nagtayo ng barikada laban sa kumpanya sa pagmimina
Nagsama-sama ang nasa 400 residente nga barangay Guinaoang at Bulalacao sa Mankayan, Benguet noong Oktubre 13, para sa isang misa at programa upang basbasan ang kanilang bagong tayo na barikada laban sa panghihimasok ng Crescent Mining and Development Corporation (CMDC) sa kanilang lupaing ninuno.
Nagsilbi rin itong pormal na pagtatag ng ‘No Mines Movement of Guinaoang and Bulalacao’ (NM-MGB), isang alyansa ng mga residente na nagkakaisa para ipagtanggol ang kanilang lupaing ninuno at isulong ang kanilang karapatan bilang mga katutubo.
Mula pa noong Agosto nang magsimula magtayo ng barikada ang mga residente nang mapag-alamang nilang ipinupwesto na ang mga makina sa pagbutas ng lupa ng CMDC sa barangay Guinaoang.
Matatandaang noong Marso 2022, ni-renew ang Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) na sumasaklaw sa 533.4 na ektarya ng 2 brangay. Bagamat nagtapos na kasunduan noong Nobyembre 21, pinahintulutan parin ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) at ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang pag-renew nito sa kabila ng kawalan ng Free, Prior at Informed Consent mula sa mga residente.
Noong Hunyo 2022, dahil sa sama-samang pagkilos ng mga mamamayan ay matagumpay nilang napatigil ang eksplorasyon ng CMDC. Nagsampa din ang mga opisyal sa barangay ng Bulalacao ng kasong administratibo at kriminal laban sa dati at kasalukuyang upisyal ng NCIP at MGB-CAR na imbwelto sa pekeng dokumento noong Disyembre 2024. Sa kabila nito, wala paring napapanagot sa naturang krimen.
Ang CMDC ay 64% na pagmamay-ari ng kumpanyang mula sa Australia na Blackstone Minerals.