Mga sundalo ng 62nd IB, muling naghasik ng terorismo sa Central Negros
Muli na namang nanalasa ang berdugong 62nd IB sa Guihulngan City, Negros Oriental sa nagdaang dalawang linggo. Naitala sa syudad ang mga kaso ng pagransak sa mga bahay ng mga magsasaka, iligal na okupasyon sa mga pampulikong gusali at iba pang porma ng panggigipit ng mga pwersa ng estado sa mga sibilyan.
Noong Nobyembre 5, pinasok ng 16 na sundalo ang bahay ni Loring Geronimo sa Sityo Ponong, Barangay Trinidad. Hinanap sa kanya ang kanyang asawa at anak, tinutukan siya at ang kanyang apo ng matataas na kalibre ng baril at ipinailalim ang buong pamilya sa malupit na interogasyon.
Sa parehong barangay noong Nobyembre 4, limang nakadamit sibilyan na mga tauhan ng 62nd IB ang nagpunta sa mga bahay at nanakot sa mga magsasakang itinurong “dating kasamahan” ng mga “sumurender.” Ganito rin ang ginawa ng mga sundalo noong Oktubre 28 sa Sityo Kalambya.
Noong Oktubre 29, sapilitang tinipon ng mga sundalo sa isang asembleya ang mga residente ng Barangay Trinidad. Ipinakita sa mga residente ang mga larawan ng kung sinu-sino na tinukoy ng mga ito bilang “target” na “pasukuin” sa gubyerno. Namahagi rin ang mga pasista ng polyeto kaugnay ng kurakot nitong programang E-CLIP o Enhanced Comprehensive Local Integration Program. Katulad na pagpapatipon ang isinagawa nito sa mga upisyal ng barangay noong Oktubre 27.
Sa Barangay Bonobohan, iligal na pinasok ng mga sundalo nang walang paalam ang bahay ni Helen Bardok noong Nobyembre 5 habang nasa trabaho siya.
Ang 62nd IB ay kasalukuyang pinamumunuan ni Lt Col. Evelio Ilanga III na nakabase sa Barangay Libas, Isabela, Negros Occidental.