Balita

Mga sundalong Japanese, nasa Pilipinas na kahit wala pang tratado

,

Nagsimula na ang “pinagsanib” na pagsasanay ng mga pwersang Japanese sa Pilipinas kahit di pa ganap na tratado ang Reciprocal Access Agreement (RAA) sa pagitan ng Japan at Pilipinas.

Sinumulan noong Oktubre 2 at magtatagal hanggang Oktubre 7 ang “Doshin-Bayanihan 2024,” isang operasyong militar na itinago sa pinagsanib na pagsasanay para operasyong “humanitarian assistance and disaster relief (HADR), sa Lapu-kapu City sa Cebu.

Sa tabing ng HADR, magsasanay ang mga pwersang Japanese at Pilipno sa pagpapalipad ng mga jet fighter para sa “airdrop,” operasyong pagsakay at pagdiskarga ng mga kagamitan, pagbakwit ng mga tauhan at iba pa. Lumalahok dito ang 30 pwersa mula sa Japan Air Self-Defense Force at 150 pwersa mula sa Philippine Air Force.

Ang Doshin-Bayanihan ang unang pagkakataon na muling tatapak at mag-ooperasyon ang mga sundalong Japanese sa kalupaan ng Pilipinas mula brutal nitong sinakop ang bansa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang presensya at operasyon ng mga ito ay pinahintulutan ng RAA na pinirmahan ni Ferdinand Marcos Jr noong Hunyo. Hindi pa ito ganap na tratado dahil hindi pa ito niraratipikahan ng Senado.

Sa kabila nito, hindi na nawawala ang presensya ng mga Japanese sa mga war game na inilulunsad ng US sa teritoryong pandagat ng Pilipinas. Noong Setyembre 28 lamang, lumahok ito sa multilateral maritime cooperative activity (MMCA) kung saan lumayag ang mga barkong pandigma nito, kasama ng sa Australia, US at Pilipinas sa exclusive economic zone ng Pilipinas. Ang MMCA, katulad ng naunang mga aktibidad, ay bahagi ng estratehiya ng US na limitahan ang maniobrahan ng karibal nitong imperyalistang China.

AB: Mga sundalong Japanese, nasa Pilipinas na kahit wala pang tratado