Mga tagasuporta ng mga manggagawang pangkaunlaran na kinasuhan ng "terrorism financing" sa Negros, nagprotesta

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagpiket ang mga tagasuporta ng Paghidaet sa Kauswagan Development Group (PDG) Inc, kasama ang mga kasapi ng iba pang organisasyong masa, sa harap ng Hall of Justice sa Bacolod City kahapon, Mayo 10. Binatikos nila ang kasong “terrorism financing” laban sa apat na myembro ng PDG Inc at isang naging katuwang ng organisasyon at ipinawagan ang pagbasura dito.

Nauna nang sinabi ng PDG Inc na hindi makatarungan ang pagsasampa ng mga kaso ng “terrorism financing” o paglabag sa Terrorism Financing and Suppression Act of 2012 laban sa ilang aktibo at dating mga kasapi ng organisasyon. Giit nito, ginagamit ng estado ang mga alegasyong ito para palabasing di lehitimo ang organisasyon at patawan ito ng mga parusa.

Sinampahan ng kaso sina Clarissa Ramos, byuda ng pinaslang na abugado na si Atty. Benjamin Ramos; si Felipe Levy Gelle, Federico Salvilla, at Perla Pavillar. Si Ramos, tulad ng kanyang yumaong asawang abugado, ay dating Executive Director at tagapagtatag ng PDG Inc. Idinawit din si Darryl Albañez, hindi kasapi ng PDG Inc pero nakikipagtulungan sa grupo sa mga aktibidad nito.

Isinampa ang kaso ni PMSG Francisco John Dumdumaya, deputized Anti-money Laundering Council Financial Investigator at kasapi ng Regional Intelligence Division ng PNP Regional Police Office 6. Ibinatay ito sa sinumpaang mga salaysay ni Jonel Roy Moreno na nagpapakilalang “finance and logistics officer at kumander ng “Tahod Ilahas Command ng CPP-NPA” na nag-ooperasyon diumano sa Negros at nina Danilo at Jeonna Dela Cruz na nagpapakilalang mga kasapi ng lokal na samahan ng mga mangingisda sa Cauyan, Negros Occidental.

Ang pagkakasong ito sa PDG Inc ay isang panibagong matinding atake sa organisasyon, ayon mismo sa kanila. Simula pa 2018, kumaharap na sa sunud-sunod na mga pag-atake mula sa estado ang PDG Inc nang pinaslang ng mga pwersa ng estado si Atty. Ramos Jr, noo’y tumatayong executive director ng grupo.

Ang PDG Inc ay isang organisasyon sa sentral at timog na bahagi ng Negros Island at nagsusulong ng karapatan ng mga magsasaka at mga mangingisda para sa sustenableng agrikultura at repormang panlipunan. Itinatag ang organisasyon noong dekada 1980.

AB: Mga tagasuporta ng mga manggagawang pangkaunlaran na kinasuhan ng "terrorism financing" sa Negros, nagprotesta