Balita

Mga taong simbahan, kinundena ang krisis sa tubig sa Camarines Norte

,

Naglabas ng pastoral na liham ang Diosesis ng Daet hinggil sa krisis sa tubig sa Camarines Norte noong Setyembre 6.

Sa liham, pinahayag ni Bishop Herman Abcede ang pagkabahala ng simbahan sa kakulangan ng serbisyo sa tubig sa maraming lugar, na umaabot nang ilang buwan at maging taon nang walang malinaw na paliwanag, pananagutan o kongretong solusyon mula sa kinauukulan.

Aniya, nabigo ang pangako ng mas maayos na serbisyo sa tubig ng Primewater. Maraming bayan ang patuloy na nakararanas ng pabagu-bago, kulang at sa ilang lugar ay halos walang suplay ng tubig. Dulot nito, maraming eskwelahan ang napilitang magbago ng iskedyul ng klase. Nahihirapan na rin ang mga ospital at health center. Pinakanahihirapan ang mga maralita at matatanda na walang kakakayahang mag-ipon o mag-igib ng sapat na tubig.

“Ang tubig ay isang pangunahing karapatang-tao. Hindi ito dapat tratuhing parang kalakal na pagkakakitaan lamang, lalo na kung nagiging di-makatarungan at hindi pantay ay pag-akses dito,” pahayag ni Bishop Abcede.

Nananawagan si Bishop Abcede sa Primewater, mga lokal na upisyal at sa lahat ng kaukulang ahensya na maglunsad ng konsultasyon sa mga apektadong pamayanan, suriin muli ang kasalukuyang kontrata at implementasyon ng Primewater, kilalanin ng kumpanyang ang pagkukulang nito sa serbisyo at pananagutan mula dito.

Nananawagan din siya para sa mga mamamayan na idokumento at iulat ang mga kaso ng kakulangan sa tubig, laluna kung nalalagay sa panganib ang kanilang kalusugan at edukasyon, at maghanap ng pansamantalang solusyon sa krisis sa tubig,

Dagdag dito, hinikayat niya ang mamamayan na lumahok sa araw ng pananalangin sa Oktubre 4, sa kapistahan ni San Francisco ng Asisi para sa katarungan sa tubig sa prubinsya.

AB: Mga taong simbahan, kinundena ang krisis sa tubig sa Camarines Norte