Balita

Mga taong-simbahan, tanggol-karapatan at iba pang grupo, nagsama-sama para itatag ang Manindigan-Central Luzon

,

Nagtipon ang mga lider at taong-simbahan mula sa iba’t-ibang denominasyon, mga tagapagtanggol sa karapatang-tao, at organisasyong masa sa Saint Scholastica’s Academy sa San Fernando, Pampanga noong Setyembre 12 para itatag ang Manindigan-Central Luzon. Ang grupo ay isang ugnayang lalaban sa mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas (IHL o International Humanitarian Law) sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Ang Manindigan-Central Luzon ang kauna-unahang panrehiyong balangay ng Manindigan Network na inilunsad ng pambansang mga organisasyon noon lamang Setyembre 6. Itinatag ang grupo sa Shalom Center sa Maynila sa pangunguna ni San Carlos Bishop Most Rev. Gerardo Alminaza.

Sa pagtitipon sa Pampanga, liban sa pagtatalakay sa kalagayan ng karapatang-tao sa bansa at rehiyon, binigyang diin rin ang usapin sa malawakang korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos. Panawagan ng mga lumahok ang panagutin ang mga tiwaling upisyal at lahat ng mga sangkot sa mga krimeng ito lalan sa taumbayan.

Bilang pagpapahayag ng pagkakaisa, pinirmahan ng mga kinatawan ng mga grupo ang isang nagkakaisang pahayag sa pagtatapos ng programa. Nangako sila na ipagpapatuloy ang laban sa Central Luzon at sa bansa kontra sa katiwalian at inhustisya.

Pagkatapos ng programa, inilunsad ng Manindigan-Central Luzon ang isang kalampagan. “Ito pa lamang ang simula. Hindi kami titigil hangga’t hindi napapanagot ang mga kurakot at hindi napapalitan ng tapat na pamamahala ang sistemang nagpapahirap sa mamamayan,” pahayag ng grupo.

AB: Mga taong-simbahan, tanggol-karapatan at iba pang grupo, nagsama-sama para itatag ang Manindigan-Central Luzon