Balita

Mga tsuper at drayber, tumututol sa muling pagtataas ng presyo ng petrolyo

, ,

Magkasamang nagmartsa ngayong araw, Nobyembre 12, ang mga tsuper at opereytor na kasapi ng Piston at Manibela tungo sa gasolinahan ng Petron sa East Avenue sa Quezon City. Binatikos nila ang panibagong serye ng pagtaas ng presyo ng petrolyo ngayong araw.

Itinaas ng mga kumpanya ng langis ang presyo ng diesel ngayong araw nang ₱2.10 kada litro, gasolina nang ₱1.50 kada litro at kerosene nang ₱1.20 kada litro. Simula Enero, umabot na sa ₱10.15 kada litro ang netong pagtaas sa presyo ng gasolina, ₱9.40 kada litro ang netong pagtaas sa diesel at ₱1.40 kada litrong netong pagbaba sa presyo ng kerosene.

Tuwing nagpapatupad ng mga pagtaas, kumikita nang malaki ang malalaking kumpanya sa langis tulad ng Petron, Shell, Caltex, Seaoil, PetroGazz, at Cleanfuel. Hindi naniniwala ang Piston sa mga dahilan ng mga kumpanyang ito ng pagtataas ng presyo.

Anang grupo, “patuloy [ang] pagmamanipula ng mga kumpanya ng langis sa presyo nito upang patuloy na kumamal ng tubo at protektahan ang kanilang kita sa harap ng mga kaguluhan sa Gitnang Silangan na siyang pangunahing pinagkukunan ng langis ng mundo.”

Labis na pahirap ang idinudulot nito sa mga tsuper at opereytor ng pampublikong transportasyon at kaugnay na epekto nito sa ibang karaniwang mamamayan. Ayon sa Piston, simula Oktubre ay tinatayang umabot sa ₱5,000 ang kabuuang nawalang kita ng karaniwang tsuper dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.

“Dumadagdag pa rito ang ipinapataw ng gubyerno na mga buwis sa langis tulad ng VAT at excise tax na lalong nagpapahirap sa mga tsuper at ordinaryong mga konsyumer,” ayon sa Piston. Ipinapanawagan ng grupo na tanggalin ang mga mapaniil na buwis sa langis mula pa maupo sa puwesto si Marcos Jr noong 2022.

Panawagan rin nilang ibalik ng gubyerno ang kontrol at regulasyon nito sa industriya ng langis na isinuko nito sa pamamagitan ng Oil Deregulation Law ng 1998. “Paano magagawa ito? Kailangan natin ang lahat ng mga tsuper, operator, mananakay, at mga pamilyang Pilipino na tuluy-tuloy na mag-organisa, magkaisa, at magprotesta laban sa pagpapahirap sa atin ng gubyerno at mga korporasyon. Kailangan natin ng marami pang protesta at welga,” ayon sa Piston.

Nakiisa sa martsa si Ka Mody Floranda, tagapangulo ng Piston, Ka Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno at Mar Valbuena, tagapangulo ng Manibela. Ang tatlo ay pawang mga kandidato sa pagkasenador na nagtataguyod ng interes ng karaniwang tsuper, opereytor at manggagawa sa kanilang kampanya.

AB: Mga tsuper at drayber, tumututol sa muling pagtataas ng presyo ng petrolyo