Mga tsuper at opereytor, magsasagawa ng serye ng welga ngayong Abril laban sa dedlayn ng jeepney phaseout

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Inianunsyo ng mga grupong Piston at Manibela sa isang press conference kahapon, Abril 11, na naghahanda na ang mga tsuper at opereytor ng dyip ng mga serye ng mga welga sa mga susunod na araw at linggo. Nakatakdang magtapos ang “dedlayn” ng pwersahang konsolidasyon ng prangkisa at phaseout ng tradisyunal na mga dyip sa Abril 30.

Sa Abril 15, ikakasa ng dalawang grupo ang isang tigil-pasada na nakatakdang lalahukan ng 25,000 hanggang 30,000 sasakyan. Kasabay nito, ilulunsad nila ang isang karaban tungong Mendiola. Magkakaroon rin ng katulad na mga aktibidad sa Southern Tagalog, Central Luzon, Ilocos Region at ilang prubinsya ng Mindanao. Tinatawagan nila ang iba pang mga drayber at tsuper na makiisa at lumahok sa mga pagkilos hanggang katapusan ng Abril.

“Nananalo tayo hangga’t lumalaban,” pahayag ng Piston. “Pitong taon na tayong tinatakot ng estado na wala nang extension at pinipilit pumaloob sa modernisasyon, at kinukumpiskahan ng prangkisa. Pitong taon na tayong nagwawaging ipagtanggol ang pasada.”

Noong Martes, inanunsyo ni Ferdinand Marcos na “wala nang ekstensyon” ang jeepney phaseout dahil “kailangang-kailangan na ito” kahit pa wala siyang binanggit na dahilan.

Ilang beses nang napaatras ng mga tsuper at opereytor ang “dedlayn” ng estado sa pamamagitan ng paglulunsad ng malakihang mga pagkilos at tigil-pasada. Tiwala silang muli nilang mabibigo ang panibagong dedlayn ng rehimeng Marcos kung magsasama-sama ang mga tsuper, komyuter at iba pang demokratikong sektor.

Nagpahayag ng todong suporta ang SUKI Network at Bayan Muna sa serye ng mga protesta na inihahanda ng Piston at Manibela.

AB: Mga tsuper at opereytor, magsasagawa ng serye ng welga ngayong Abril laban sa dedlayn ng jeepney phaseout