Misang bayan, inilunsad bilang paggunita sa Bagyong Kristine sa Batangas
Naglunsad ng misang bayan at programa ang mga magsasaka at taong simbahan sa Batangas noong Oktubre 24 upang gunitain ang unang anibersaryo ng bagyong Kritine na nagpalubog sa hanapbuhay ng mga magsasaka sa prubinsya.
Mag-iisang taon na mula nang masalanta ang prubinsya ng Batangas ng Bagyong Kristine, na pinalala ng mga substandard na proyektong flood control ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Dumaan ang habagat noong Hulyo, nanalanta ang bagyong Opong at Paolo noong Setyembre at Oktubre, ngunit wala pa rin ang pangakong emergency cash-assistace na ₱5,000 para sa 3,300 pamilyang biktima ng kalamidad.
Noong Setyembre 16, nagkaroon ng dayalogo sa pagitan ng mga magsasaka at mangingisda sa ilalim ng Alyansa ng mga Magsasaka para sa Kumpensasyon (AMK), SUGAR Batangas, Kaisahan ng mga Manggagawang Bukid sa Tubuhan (KAISAHAN) at Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK) at ng iba’t ibang ahensya ng pamahaalan kabilang ang Department of Agriculture (DA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Department of Labor and Employment, Department of Trade and Industry sa pangunguna ni Senador Raffy Tulfo upang talakayin ang kumpensasyon para sa sinalantang mga magsasaka at mangingisda ng Bagyong Kristine.
Sa talakayan, napag-alaman na may mahigit ₱500 milyon pa lamang ang nagagamit mula sa ₱1 bilyon na Quick Response Fund. Kung magbibigay ng halagang ₱30,000 para sa 8,000 magsasaka at mangingisdang sinalanta ay aabot lamang sa ₱240 milyon ang kailangang gastusin ng DA.
Sa kabila nito, hindi pa rin ibinibigay ng mga ahensya ang nararapat na kumpensasyon para sa mga magbubukid. Sa gayon, magpapatuloy sa pagkilos at pakikibaka ang mga magsasaka ng Batangas para sa ayuda at kumpensasyon, pangmatagalang suporta sa produksyon, at tunay na reporma sa lupa.