Moratoryum sa bagong mga proyektong reklamasyon, ipinag-utos

,

Pansamantalang ititigil ng Philippine Reclamation Authority (PRA) ang pagtanggap ng bagong mga aplikasyon para sa mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay at iba pang bahagi ng bansa. Inamin ng ahensya na ang pagtigil ay bunga ng mariin at malawak na pagtutol ng mga organisasyong pangkalikasan, apektadong komunidad at mga eksperto laban dito.

Kasunod ito sa isang porum na ipinatawag ng Department of Environment and Natural Resources kung saan binigyan ng puwang para makapagsalita ang mga eksperto, mangingisda at syentista. Idiniin sa porum na ito ang malalalang epekto ng reklamasyon at dredging sa karagatan at mga baybay ng bansa.

Sa kabila ng tagumpay na ito, hindi pa tapos ang laban, ayon sa People’s NICHE, isang alyansa ng mga mga organisasyon at syentistang kontra-reklamasyon. Ito ay dahil magtutuloy ang 22 proyektong reklamasyon na binigyan ng permit sa ilalim ng rehimeng Duterte at nasa iba’t ibang antas na ng operasyon. Kabilang dito ang 2,500-ektaryang Aerotropolis ni Ramon Ang at San Miguel Corporation sa Bulacan. Ilan pa ang reklamasyon sa Baseco at sa paligid o malapit sa embahada ng US sa Roxas Boulevard sa Maynila. Saklaw ng 22 proyektong ito ang 10,000-ektaryang baybayin, kalakhan sa Manila Bay.

Gayundin, maaaring umapela ang mga kumpanya sa presidente para ikutan ang moratoryum.

Paninindigan ng People’s NICHE, dapat ipatigil ang lahat ng reklamasyon, kabilang ang nasa operasyon na. “Wawasakin ng mga ito ang kabuhayan ng milyun-milyong Pilipino, gayundin ang biodiversity ng bansa,” anito.

AB: Moratoryum sa bagong mga proyektong reklamasyon, ipinag-utos