Muling pagkapanalo ni Maduro sa Venezuela, pagtuligsa sa imperyalismong US—NDFP
Binati ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) si Venezuela President Nicolás Maduro at ang mamamayang Venezuelan sa kanilang malinaw na pagkapanalo sa eleksyong pampresidente noong Hulyo 28. Ayon sa NDFP International Relations Office, ang tagumpay ni Pres. Maduro ay malinaw na pagtuligsa ng mamamayang Venezuelan sa imperyalismong US.
Sa tagumpay ng mamamayang Venezuelan, nabigo ang plano ng imperyalistang US na gawin muling isang neokolonyal na papet na estado ang Venezuela sa pamamagitan ng reaksyunaryong oposition dito, deklarasyon ng NDFP.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na nanalo si Maduro sa eleksyong pampresidente sa Venezuela. Sa idinaos na eleksyon noong Hulyo 28, nakakuha si Maduro ng 51.2% ng mga boto, laban sa kanyang kalaban na si Edmundo Gonzalez Urrutia, na nakakuha ng 44.2%. Si Maduro ay isang drayber ng bus na pumalit kay Hugo Chavez at ipinagpatuloy ang pambansa at demokratikong mga patakaran sa Venezuela.
Sinundan ni Chávez ang halimbawa ng bayani na si Simón Bolívar at kanyang hangarin para sa isang nagkakaisang South America. Habang presidente mula 2000 hanggang 2012, naglangkap siya ng mga ideyang sosyalista at Marxista sa kanyang pamamalakad. Diniinan ng gubyerno ng Venezuela ang mga patakarang import-substitution, paglimita sa mga inaangkat na mga minanupakturang gamit at pagbibigay ng subsidyo para itaguyod ang pag-unlad ng lokal na manupaktura.
Ipinatupad rin niya ang komprehensibong reporma para iwasto ang tagibang na pag-aari ng lupa. Sa katapusan ng ika-20 siglo, ang mga industriya ng Venezuela ay naging sari-sari, at nakapagpaunlad ang bansa ng karagdagang mga likas na yaman.
Sa mga panahong ito, at hanggang sa kasalukuyan, paulit-ulit na nagtangka ang imperyalismong US na tanggalin si Chávez, at kanyang kahalili na si Maduro, sa poder. Sinubukan ng US ang kudeta, mga sinusulan kaguluhan at iba pa.
“Bigong ipapanumbalik ang neokolonyal na kontrol sa Venezuela, ang US at mga alyado nitong imperyalistang kanluraning mga bansa ay nagpataw ng nakalulumpong mga sangsyon sa ekonomya na nagdulot ng makataong krisis sa bansa,” pagdidiin ng NDFP International Relations Office.
Ang matinding kahirapang ito na dinadanas ng mamamayang Venezuelan ay pinalalaki at pinalilitaw ng maka-US na midya at reaksyunaryong oposisyon na suportado ng US sa bansa para palitan ang gubyernong Bolivarian.
“Mayroong karapatan ang rebolusyonaryong gubyernong Bolivarian ni Maduro na ipagtanggol ang sarili laban sa imperyalismong US at reaksyunaryong mga kasabwat nito,” pahayag pa ng NDFP International Relations Office.
Nagpahayag rin ng pakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas sa pakikibaka ng mamamayang Venezuelan laban sa imperyalismong US. “Ang paglaban ng mamamayang Venezuelan ay nagbibigay inspirasyon sa militansya at nagpapatibay ng determinasyon ng mamamayan sa buong mundo na labanan ang imperyalistang dominasyon ng US,” ayon kay Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido.