Balita

Israel at US, hinatulang maysala sa krimen ng henosidyo at ecocide sa tribuna sa Spain

, , ,

Nagtapos ang International People’s Tribunal on Palestine na ginanap noong Nobyembre 22-23 sa Spain sa hatol na maysala ang Zionistang estado ng Israel at mga kasabwat nitong gubyerno ng US, UK, Germany, France at iba pa sa krimeng henosidyo at ecocide.

Dininig ng tribunal ang mga salaysay ng mga nakaligtas sa henosidyo at ecocide sa Gaza at West Bank sa loob ng dalawang araw. Bagamat natapos na ang tribuna, batid ng lahat na di pa tapos ang laban.

Ang tribuna ay inilunsad bilang pakikiisa sa mga laban ng mga Palestino. Kaugnay at kasabay ito sa internasyunal na kilusan na kumikilos para itigil ang henosidyo at bigyan ng hustisya ang mamamayang Palestino na higit pitong dekada nang nagdurusa sa ilalim ng brutal na okupasyon ng Zionistang estado.

Ang tribuna at kilusang maka-Palestino ay inihalintulad ni Jan Fermon, nangungunang prosekyutor, sa iba pang internasyunal na kilusan sa kasaysayan ng paglaban ng mamamayan sa mundo. Kabilang dito ang internasyunal na mga kilusan para tapusin ng US ang gera nito sa Vietnam, sa mga nakibaka laban sa Nazism sa Germany at para sa pagwawakas ng Apartheid sa Africa.

Isusumite ng tribuna ang hatol, gayundin ang natipon nitong dokumento at salaysay, sa matataas na ahensya tulad ng United Nations General Assembly, Human Rights Council, International Court of Justice, International Criminal Court, at sa mga bansang naghahangad ng pagpapanagot at aksyon para sa mga krimen sa digma ng henosidyo at mga batas na gumagabay sa armadong sigalot.

AB: Israel at US, hinatulang maysala sa krimen ng henosidyo at ecocide sa tribuna sa Spain