Muling pagmimina ng Crescent Mining and Development Corporations sa Benguet, kinundena ng mamamayan
Kinundena ng komunidad ng Barangay Bulalacao, Mankayan, Benguet ang muling pagbibigay ng permit sa Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ng Crescent Mining Development Corporation (CMDC). Sinaklaw ng proyekto ang 534 na ektarya na bahagi ng lupaing ninuno nang walang kinuhang ‘free, prior and informed consent’ (FPIC) mula sa mga apektadong komunidad. Iginawad din sa kumpanya ang dagdag na 300 ektarya sa parehong lugar. Banta ang operasyon sa mahigit 600 pamilya na nakaasa sa pagtatanim sa lupaing ninuno.
Matatandaang natapos ang permit ng CMDC noong Nobyembre 12, 2021. Ayon sa batas, kailangan ang tunay na FPIC mula sa mga katutubo at certification of precondition para maipagpatuloy ang pagmimina. Noong December 9, 2021, sa halip na sumunod sa proseso, pinahintulutan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP-CAR) ang patuloy na pagmimina ng CMDC sa pamamagitan ng paglalabas ng pekeng “sertipiko” na siyang ginamit ng Mined and Geoscience Bureau-Cordillera Administrative Region (MGB-CAR) para i-renew ang MPSA ng CMDC.
Ayon sa mga residente, ang sertipiko na nilabas ng NCIP-CAR ay hindi pwede ipampalit sa FPIC at sa certificate of precondition. Dahil sa ginawang hayagang panloloko ng estado para pahintulutang magdambong pa ang CMDC, naglunsad ng barikada ang mamamayan noong Hunyo 2022 para pigilan ang operasyon. Dahil dito, ni-redtag ang mga residente para paatrasin ang kanilang laban.
Nananawagan ang mga mamamayan ng Benguet na ibasura ng MGB ang permit ng CMDC, at panagutin ang mga upisyal na nagbigay ng sertipiko sa kumpanya at sa mga nang-red-tag sa mga residente.