Balita

Naantalang konstruksyon ng DepEd sa mga proyekto sa liblib na lugar, binatikos

, ,

Tinuligsa ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)-NCR Union ang Department of Education (DepEd) sa kabiguan nitong kumpletuhin ang mga proyektong imprastruktura sa mga eskwelaan sa malalayo at liblib na lugar. Lumitaw ang isyung ito sa ulat na inilabas ng Commission on Audit (COA) para sa 2023. Pinondohan ang mga ito ng kagawaran noon pang 2021.

Napag-alaman ng COA na 76 sa 98 pasilidad na nagkakahalaga ng ₱1.4 bilyon sa ilalim ng “Last Mile School Program (LMSP)” ng DepEd ay hindi pa nakumpleto noong Disyembre 31, 2023 (araw na batayan ng ulat) sa kabila ng paglalabas ng “mobilization fees” para rito. Lubha umanong nakaaalarma na tanging 22 sa 98 pasilidad (o 22.45%) ang nagawa ng DepEd sa kabila ng pagbabayad sa mga kontraktor para sa “mobilization fees” na kabuuang ₱211.23 milyon.

Ang naturang mga imprastruktura ay dapat natapos sa loob ng 150 araw mula sa pagkakatanggap ng pahintulot na gawin ito at hindi dapat lalagpas ng Mayo 31, 2022. Ayon sa ulat, higit isang taon at kalahati o nasa 555 araw na ang pagkaantala sa pagtatapos ng mga itinatayong silid-aralan noong Disyembre 2023.

“Kinumpirma ng ulat ng COA ang matagal na naming sinasabi—na ang ating mga estudyante at guro sa malalayong lugar ay patuloy na nagdurusa dahil sa pagpapabaya at diskriminasyon ng gubyerno,” ayon kay Teacher Ruby Bernardo, presidente ng ACT NCR Union. Aniya, nakakadurog ng puso na habang napakaraming pera ang nilulustay at nakokopo sa korapsyon, ang mga mag-aaral at guro ay naghihirap sa mga bulok at delikadong pasilidad.

Pagdidiin ng lider-guro, hindi lamang simpleng mga gusali ang hindi natapos ng gubyerno kundi sinagkaan nito ang karapatan ng mga estudyante sa eduksayon at karapatan ng mga guro sa maayos na kalagayan sa pagtuturo. “Kung totoong priority ng DepEd ang dekalidad na edukasyon, bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin nababago ang kalagayan ng ating mga paaralan sa malalayong lugar?” ayon kay Bernardo.

Ang nakaupong kalihim ng DepEd noong 2021 hanggang 2022 ay si Leonor Briones, sa kumpas ng pangulong si Rodrigo Duterte, habang humalili mula Hunyo 2022 hanggang Hulyo 2024 si Bise Presidente Sara Duterte. Ayon sa ACT NCR Union, dapat singilin at papanagutin sila sa lubhang hindi maayos na pangangasiwa sa pondo at rekurso ng kagawaran.

Ang LMSP ng DepEd ay inilunsad noong Hulyo 18, 2019 para umanoy tugunan ang kakulangan ng mga pasilidad at rekurso sa malalayo at liblib na mga lugar o tinawag nitong geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAS). Isinagawa ang anunsyo ilang araw matapos ang unang serye ng pagpapasara ng kagawaran at rehimeng Duterte sa 55 paaralang Lumad sa Davao na pinangangasiwaan ng Salugpongan Ta’ Tanu Igkanogon Community Learning Center Inc.

Sa sumunod na mga taon, ipinasara ng DepEd ang lahat ng 216 mga paaralang Lumad sa Mindanao. Ang mga “last mile school” ng kagawaran ay bahagi ng kampanyang kontra-insurhensya ng noo’y rehimeng Duterte para supilin ang mga organisasyon at komunidad ng mga Lumad na nangahas mag-organisa at magtayo ng sariling paaralan. Noong 2023, ipinagyabang ni Sara Duterte habang kalihim ng kagawaran na isa sa kanyang prayoridad na tatapusin ang pagtatayo ng mga eskwelahan sa malalayong lugar.

Una nang nanawagan ang ACT sa muling pagbubukas ng mga paaralang ito at pagbabalik ng mga guro at estudyante. Nanawagan rin ang grupo na magkaroon ng komprehensibong pagtutuos sa lahat ng mga proyektong imprastruktura na kasalukuyang gumugulong sa buong bansa para matiyak ang paghahatid ng kalidad na mga pasilidad sa edukasyon.

AB: Naantalang konstruksyon ng DepEd sa mga proyekto sa liblib na lugar, binatikos