Balita

Nabunyag na kapalpakan ng CARP, binatikos ng mga magsasaka

,

Nabunyag kamakailan ang kapalpakan ng Comprehensive Agrarian Reform Program nang ilabas ng Commission on Audit ang mga natuklasan nitong mga iregularidad sa programa at paggastos ng Department of Agrarian Reform noong 2023.

Sa ulat na inilabas ito, pinuna ng COA ang DAR sa maling pagbigay nito ng lupa sa 235 hindi kwalipikadong mga benepisyaryo, na kinabibilangan ng mga retiradong pulis at mga menor-de-edad. Maraming benepisyaryo ang kulang sa kinakailangang mga rekisito, tulad ng kagustuhan o kakayahang magbungkal ng lupa, o kaya’y mga hindi residente sa lugar kung nasaan naroon ang ipinamamahaging lupa. Gayundin, napag-alaman ng COA na may 117 benepisyaryo na tumanggap ng lupa na sobra sa nakatakda sa batas, na anito’y nagpahirap sa bisa ng reporma.

Binatikos din ng COA ang kawalan ng epektibong sistema ng DAR sa pagsubaybay sa mga benepisyaryo, at kalagayan ng mga lupang ipinamahagi. May mga lupang natiwangwang na lamang dahil sa umalis o namatay na ang benepisyaryo nito. Maraming mga lupa ang pinalitan ng gamit, mula pang-agrikultura tungong komersyal at residensyal. Kulang na kulang ang pagkilatis ng lokal na mga gubyerno, na nagresulta sa malawakang abuso at anomalya.

Ibinunyag din ng COA na halos naubos ng DAR ang badyet nito, o 97.94% sa ₱2.613 bilyon, pero 32.94% lamang ang nakamit nitong target para sa pagpaparehistro ng mga CLOA noong 2022.

Sa harap nito, binatikos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipias ang DAR sa ilalim ng rehimeng Marcos sa pagpapanatili nito ng kawalang lupa ng mga magsasaka.

“Ang napakalaking pagkukulang ng administrasyon ni Marcos Jr na tugunan ang mga pangunahing problema ng monopolyo sa lupa at laganap na mga alitan sa lupa ay nagpapakita ng pagpapabaya sa mga karapatan at kagalingan ng mga magsasaka,” pahayag ni Danilo Ramos, lider magsasaka mula sa KMP. Ang mga inulat ng COA ay patunay ng sistematikong pagkukulang ng DAR at ng pekeng CARP, aniya.

“Ang mga dekadang tinatawag na reporma sa lupa ay walang nagawa upang wasakin ang mga monopolyo sa lupa o lutasin ang mga hidwaan sa lupa. Sa halip, pinahintulutan ng CARP ang katiwalian at kapabayaan, na nagtaksil sa mga benepisyaryo ng reporma sa lupa na sinasabi nitong pinaglilingkuran.”

Panawagan ng KMP, ipatupad ang isang tunay na programa ng repormang agraryo na magbibigay-prayoridad sa libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka at bubuwag sa mga monopolyo sa lupa. Kinundena din ng grupo ang administrasyon ni Pangulong Marcos Jr sa patuloy nitong pagbibingi-bingihan sa mga kahingian ng mga magsasaka habang itinutulak ang mga neoliberal na patakaran na nagpapalala sa kawalan ng lupa at kahirapan sa kanayunan.

AB: Nabunyag na kapalpakan ng CARP, binatikos ng mga magsasaka