Balita

Nagkakaisang demonstrasyon kontra korapsyon, ilulunsad ng mga grupo sa Pampanga

Inianunsyo ng grupong Concerned Citizens of Pampanga na pangungunahan nito ang malawakang demonstrasyon kontra korapsyon at katiwalian sa gubyerno sa darating na Setyembre 18. Ilulunsad nito ang pagkilos sa San Fernando City sa Pampanga. Bago ang araw ng demonstrasyon, isasagawa rin nito ang isang kalampagan sa Setyembre 17.

Ayon sa grupo, umabot na sa nakababahalang antas ang katiwalian sa Pilipinas. “Ninanakaw ang kaban ng bayan bago pa man makarating sa mamamayan, ginagawang gatasan ang mga proyekto ng iilan, at ipinagbibili ang kapangyarihan na dapat sana’y para sa paglilingkod,” anito.

Sa nagdaang mga linggo, tuluy-tuloy ang naging pagbatikos ng mamamayang Pilipino sa nalantad na mga anomalya at korapsyon pangunahin sa mga proyektong flood control. Nasasangkot dito ang mga pinapaborang kontratista, mga burukratang kapitalista, at mismong si Ferdinand Marcos Jr bilang hepe ng gubyerno.

“Habang patuloy na yumayaman ang makapangyarihan, nananatiling naghihirap ang karaniwang mamamayan—-kapos sa trabaho, kulang sa serbisyong panlipunan, at pinapasan ang bigat ng isang sistemang pinapaboran ang iilan,” pahayag ng Concerned Citizens of Pampanga.

Mayroong limang pangunahing panawagan ang grupo na kanilang itatampok sa isasagawang pagkilos. Kabilang dito ang pagsasagawa ng isang walang-kinikilingang imbestigasyon sa mga anomalya at pagpapanagot sa lahat ng mga sangkot.

“Kami ay nagkakaisa bilang mamamayan ng Pampanga at ng bansa upang igiit ang katotohanan, katarungan, at pananagutan. Hindi kami mananahimik sa harap ng sistematikong katiwalian,” paninindigan ng grupo.

Ang Concerned Citizens of Pampanga ay isang samahan ng mga indibidwal, taong simbahan, organisasyon, at iba’t ibang kilusan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan na nagkakaisa upang ilantad at labanan ang malawakang katiwalian na sumisira sa bansa. Bahagi ng samahan ang Bagong Alyansang Makabayan-Gitnang Luzon at iba pang grupong pambansa-demokratiko.

Matatandaan na kumilos din ang kabataang estudyante ng University of the Philippines-Clark at nagboykot sa klase noong Setyembre 12 bilang pagbatikos sa korapsyon ng rehimeng Marcos. Noong Setyembre 13, isang piket protesta kontra katiwalian din ang inilunsad sa Angeles City.

AB: Nagkakaisang demonstrasyon kontra korapsyon, ilulunsad ng mga grupo sa Pampanga