Balita

Nagretirong kumander ng 303rd IBde, bigong gapiin ang rebolusyonaryong kilusan

,

Nagretiro si BGen. Orlando Edralin, kumander ng 303rd IBde, na bigong gapiin ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at buong rebolusyonaryong kilusan sa isla ng Negros. Pinalitan siya ni Brig. Gen. Ted Dumosmog noong Nobyembre 5 nang hindi nadurog ang BHB sa isla, na ilang ulit niyang idineklara.

Nagsilbi si BGen. Edralin bilang kumander ng brigada simula Enero 2023 at nagretiro nang tumuntong sa mandatory na edad ng pagreretiro na 57. Pawang kasinungalingan ang mga inianunsyong tagumpay ng brigada na nabuwag nito sa pamumuno ni BGen. Edralin ang tatlong larangang gerilya kabilang ang Central Negros 1 at 2, ang Southeast Front at ang Regional Strike Force ng rehiyon.

Ayon sa Panrehiyong Kumand sa Operasyon ng BHB sa Isla ng Negros (Apolinario Gatmaitan Command), nananatiling nakatindig at patuloy na kumikilos sa maraming mga bayan sa isla ang mga kumand ng hukbong bayan sa limang larangang gerilya. “Patuloy [itong gumagampan sa] tatlong magkakaugnay na tungkulin ng armadong rebolusyon, pagtatayo ng baseng masa at agraryong rebolusyon,” pahayag ni Ka Maoche Legislador, tagapagsalita ng kumand sa rehiyon.

Dagdag pa ni Ka Maoche, kahit pa binuhusan at pinokusan ng daan-daang mga sundalo at dagdag na pwersang armado ang isla sa nagdaang mga taon ay patuloy na nakapagmulat, nakapag-organisa at nakapagpakilos ng masang Negrosanon ang hukbong bayan. “Determinado ang BHB, na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas at buong-pusong sinusuportahan ng masa, na baklasin at ibagsak ang naghihingalong sistema at itatag ang isang lipunang nakabatay sa tunay na demokrasya at makatarungan at matagalang kapayapaan,” ayon sa tagapagsalita.

Liban sa pekeng tagumpay ng pagbuwag sa mga larangang gerilya, ipinagmalaki pa ng brigada na sa ilalim ni BGen. Edralin ay idineklara ang mga prubinsya ng Negros Oriental at Occidental bilang “Stable Internal Peace and Security (SIPS).” Tinagurian pa ang brigada bilang “pinakapalaban” sa buong bansa dahil sa mga umano’y tagumpay nito. Ginawaran pa ng 3rd ID si BGen. Edralin ng Distinguished Service Star, ang ikatlong pinakamataas na pagkilala na ibinibigay sa Philippine Army.

Sagot dito ni Ka Maoche, ang mga pagkilala at katawagang ito ay pawang “mapanlinlang na mga deklarasyon” lamang para lumikha ng isang larawan na papahina na ang armadong rebolusyon sa isla. “Walang dapat ipagdiwang o papurihan sa kanyang pagreretiro…at walang ibang aasahan sa kanyang kahalili na si BGen. Dumosmog kundi patuloy na mga paglabag sa karapatang-tao sa isla ng Negros na kanilang ipinagmamalaki bilang karangalan at tagumpay,” dagdag ni Ka Maoche.

Si BGen. Dumosmog ay myembro ng Philippine Military Academy “Sambisig” noong 1991. Nagmula siya sa 4th ID na nakabase sa Cagayan de Oro City.

“Isa lamang itong pagbabago ng mukha ng parehong lumang pasistang tela ng AFP,” pahayag pa ni Ka Maoche. Ang 303rd IBde at mga yunit sa ilalim nito na 79th, 62nd at 94th IB ang pinakabrutal na mga batalyon sa ilalim ng rehimeng Marcos. Naitala sa isla ng Negros ang hindi bababa sa 745 kaso ng paglabag sa karapatang-tao kung saan higit 177,000 ang mga biktima.

AB: Nagretirong kumander ng 303rd IBde, bigong gapiin ang rebolusyonaryong kilusan