Balita

Niratsadang panukalang badyet sa pasismo at kurapsyon, binatikos ng kabataan

Naglunsad ng koordinadong protesta ang mga estudyante sa pitong pribado at pampublikong unibersidad sa Metro Manila noong Setyembre 29 para batikusin ang batbat sa korapsyon at niratsadang panukalang badyet para sa 2024. Sa pangunguna ng mga progresibong organisasyon tulad ng League of Filipino Students, ipinabatid nila ang pagkabahala sa napakalaking pondo para sa confidential at intelligence funds habang kakarampot lamang na pondo ang inilaan sa serbisyo publiko.

Nagtipon ang mga estudyante ng Far Eastern University (FEU), University of the East, National University, at University of Santo Tomas sa harap ng kampus ng FEU sa Morayta sa Maynila para sa kanilang protesta. Nagkaisa sila sa ilalim ng alyansang ONE U-Belt, isang pormasyon ng iba’t ibang unibersidad laban sa tiraniya at pasismo.

Sa kampus ng De La Salle University sa Taft Avenue sa Maynila, nagtipun-tipon din ang mga estudyante para sa isang protesta. Kumilos din ang mga kabataang estudyante ng Ateneo de Manila University sa kampus nito sa Katipunan Avenue, Quezon City. Lumahok din sa pagkilos ang mga iskolar ng bayan mula sa Polytechnic University of the Philippines sa kampus nito sa Sta. Mesa sa Maynila.

Ipinanawagan nila ang tuluyang pagbabasura ng confidential funds at iginiit na ilaan ang pondo para sa dagdag-badyet sa libreng edukasyon at iba pang serbisyo pampubliko.

Ang General Appropriations Bill o panukalang pambansang badyet para sa 2024 ay isinagasa sa House of Representatives noong Setyembre 27 ng gabi. Sa kontrol ng rehimeng Marcos Jr sa supermayorya ng kapulungan, 296 ang bumoto pabor sa panukala, habang ang tatlong kinatawan ng blokeng Makabayan ang tanging bumoto ng pagtutol.

Dahil sa padedeklara ni Marcos Jr sa panukala bilang “urgent,” naipasa ito kahit sa loob lamang ng isang araw isinagawa ang ikalawa at ikatlong pagdinig. Walang amyenda sa inaprubahang panukala sa kabila ng maraming puna at kritisismong ibinato laban dito ang mga kinatawan ng Makabayan at iba’t ibang sektor sa lipunan.

AB: Niratsadang panukalang badyet sa pasismo at kurapsyon, binatikos ng kabataan