Balita

NLRC Region 3, kinalampag ng mga unyon dahil sa mabagal na aksyon, kontra manggagawang desisyon

,

Nagpiket ang mga manggagawa at unyonista ng National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno (Naflu-KMU) sa harap ng National Labor Relations Commission (NLRC) Region 3 sa San Fernando, Pampanga noong Enero 21. Binatikos nila ang ahensya sa mga kontra manggagawang desisyon na inilabas nito sa nakaraan at ang kupad sa pag-aksyon sa iba pang kasong isinampa ng mga manggagawa.

Kabilang sa mga nagprotesta ang mga manggagawa at unyon ng SG Farms Processing Plant at Maximus Dressing Plant, parehong nakapailalim sa Naflu-KMU. Ang dalawang planta na nagpuproseso ng manok ay nasa Barangay San Isidro, San Simon, Pampanga. Ang SG Farms ay isa sa mga nagsusuplay ng manok sa Jollibee at Wendy’s.

Ayon sa Naflu-KMU, “makaisang panig” ang mga labor arbiter ng ahensya. “Mabagal umaksyon ang mga arbiter kapag para sa manggagawa pero simbilis ng kidlat pagpabor sa kapitalista.”

Isa sa mga ito ang desisyon ng NLRC Region 3 kaugnay sa kaso ng SG Farms sa Bonifacia Yamuta. Iligal na tinanggal ng kumpanya ang mga manggagawa dito noong huling bahagi ng 2024. Ayon sa pederasyon, napakabilis na nagdesisyon ng ahensya na bigyan lamang ng 13 araw na separation pay ang mga manggagawa na lubhang pabor sa kapitalista.

Sa Maximus, malinaw na union busting ang ginawa ng kumpanya nang isinara ito matapos magtayo ng unyon ang mga manggagawa noong Hulyo 2024 at iligal silang tinanggal. Ayon sa Naflu-KMU, wala man lamang ginawang masusing pagsusuri ang arbiter sa mga petisyong isinumite dito ng mga manggagawa at agad itong naglabas ng desisyon na pabor sa kumpanya.

Maliban sa mga ito, binatikos rin ng pederasyon ang kupad sa pagtugon sa mga kasong isinampa ng mga manggagawa ng Crimeria Bakery, Hongtai at Savi Hardware. Sa Crimeria Bakery, tatlong taon nang nagpapabalik-balik ang mga manggagawa para sa bagong kompyutasyon ng backwages pero napakabagal at ngayong Enero 2026 lamang ipinangako gagawin ito.

Sa Hongtai, lagpas isang taon na wala pa ring aksyon ang arbiter sa mosyon na isinumite ng manggagawa. Sa Savi Hardware naman, 10 ang iligal na tinanggal at nagreklamo sa NLRC. Anang pederasyon, walang isinumiteng position paper ang management pero naglabas ang arbiter ng desisyong pabor dito.

“Mga hanep na arbiter ng NLRC Region 3, halata at garapal na masyado ang pagpanig nyo sa kapitalista,” bwelta pa ng Naflu-KMU. Hinamon nito ang ahensya na “umayos at pumanig” sa manggagawang pinagkaitan ng karapatan.

Nanawagan an pederasyon sa mga kapwa manggagawa na patuloy na manindigan at ipaglaban ang karapatan sa sahod, trabaho at karapatan.

AB: NLRC Region 3, kinalampag ng mga unyon dahil sa mabagal na aksyon, kontra manggagawang desisyon