Balita

NTF-Elcac, binweltahan ng rebolusyonaryong kabataan

,

Binweltahan ng rebolusyonaryong kabataan ang kamakailangang pahayag ng pasistang NTF-Elcac kaugnay ng serye ng mga aktidad na isinagawa ng Kabataang Makabayan sa Metro Manila para ipagdiwang ang ika-56 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan.

Kabilang dito ang mga pagkilos at pagkakabit ng poster at istiker ng Kabataang Makabayan (KM) sa mga pribado at pampublikong unibersidad. Naisagawa ng KM at iba pang alyadong organisasyon ng National Democratic Front ang mga aktibidad na ito sa pambansang kapitolyo sa kabila ng matinding pasistang panunupil at pagpapalaganap ng lagim ng rehimeng Marcos.

Sa galit, ipinahayag ng ahensya na magtutulak ito ng imbestigasyon at tutugisin ang mga ito. Sa pahayag ng NTF-Elcac noong Abril 1, isinaad nito na pangunahing magiging target ng panunugis ang mga institusyong pang-edukasyon sa tabing ng pagtitiyak sa kaligtasan ng mga estudyante mula sa “rekrutment at radikalisasyon,” habang umano’y itinataguyod ang akademikong kalayaan.

Bumuwelta sa pahayag na ito si Ka Maria Laya Guerrero, pambansang tagapagsalita ng KM. Aniya, “nagpapanggap ang NTF-Elcac na mayroong pakialam sa akademikong kalayaan dahil sa takot na ibayong malantad sa usapin ng pulitika.”

Idiniin ni Ka Maria na ang usapin ng akademikong kalayan ay pundamental at hindi maaaring pili ang pagpapatupad laluna kung gagawin ito sa ngalan ng pagpapanatili sa isang korap na panlipunang kaayusan at estado. Aniya, hindi makakairal ang akademikong kalayaan kung ginigipit ang mga pag-aaral at talakayan dahil sa takot sa “rekrutment at radikalisasyon.”

Dagdag pa ng tagapagsalita, malinaw na ang pakahulugan ng NTF-Elcac sa imbestigasyon nito ay tahasang panunupil laban sa mga estudyante, organisasyon at mga administrador ng unibersidad. Sigurado umano na ang tatargetin ng ahensya ay ang mga ligal na organisasyong masa at institusyon sa panahong bigo itong hanapin ang mga nasa rebolusyonaryong kilusang lihim.

Sa pakanang ito ng NTF-Elcac, ipinakikita lamang niya ang sariling kulay. “Simula pa nang itatag ito, ang NTF-Elcac ay kaaway na ng mamamayan, taliwas sa demokrasya at kaunlarang panlipunan,” ayon kay Ka Maria.

Tiniyak naman ng KM na patuloy nilang tatanganan ang tungkulin na ipahayag ang rebolusyon sa mas maraming kabataan, estudyante at mamamayan sa ilalim ng isang papet, mapagsamantala at pasistang rehimeng kinakatawan ni Marcos. “Mayroong karapatan ang mamamayan na mag-armas laba sa tiranya at malakolonyal na paghahari ng US,” ayon kay Ka Maria.

Dagdag niya, karapatan at tungkulin ng KM na ipahayag ang BHB kung sino ito: mga instrumento ng paglaya ng mamamayang Pilipino.

AB: NTF-Elcac, binweltahan ng rebolusyonaryong kabataan